Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue binuksan nina Sens. Go, Villanueva

Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue binuksan nina Sens. Go, Villanueva

December 13, 2022 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Personal na dinaluhan ni Senator Christopher “Bong” Go, kasama si Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva, ang inagurasyon ng Joni Villanueva General Hospital (JVGH) sa Bocaue, Bulacan noong Lunes.

Naitatag ang nasabing ospital matapos lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang Kongreso ang Republic Act No. 11720.

Ang panukala ay pangunahing itinaguyod ni Go sa Senado bilang tagapangulo ng committee on health and demography. Sa pamamagitan ng batas na ito, ang JVGH ay magiging Level-2 hospital na pangangasiwaan at pamamahalaan ng Department of Health.

Pinasalamatan at pinuri ni Go ang lokal na pamahalaan, sa pamumuno ni Mayor Jonjon Villanueva at Vice Mayor Sherwin Tugna, sa pagbibigay ng suporta upang maitatag ang nasabing pasilidad. Nagbigay pugay din si Go sa yumaong alkalde na si Joni Villanueva na pumanaw noong Mayo 2020. Sa alkalde ipinangalan ang pasilidad ng kalusugan.

“Unang-una, dapat pasalamatan natin ngayong araw na ito si Mayor Joni Villanueva. Nakilala ko po siya ilang taon na at nakalulungkot po na kumpleto na ‘yung ospital, wala siya ngayon dito. Siya po ang dapat nating pasalamatan. Palakpakan natin si Mayor Joni Villanueva, nasaan man siya ngayon,” ani Go.

Pinuri rin ng senador ang lahat ng medical frontliners na nakatutok sa pagtiyak na ligtas ang kanilang mga nasasakupan, lalo na sa panahon ng global health crisis.

Dahil dito, sinabi niya na patuloy nilang isinusulong ni Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva ang pagtatayo ng mga katulad na ospital at pasilidad pangkalusugan upang mas maging handa ang bansa sa iba pang krisis sa kalusugan sa hinaharap.

“Lahat po kayo na mga frontliners dahil lahat po kayo pumapasok sa ospital, exposed na po kayo. Kaya ipinaglaban namin ni Sen Joel, ang aming Majority Floor Leader, kung ano ‘yung mga dapat ibigay sa inyo ay dapat pong ibigay sa inyo. Salamat,” dagdag niya.

Kumpiyansa si Go na malaki ang maitutulong ng JVGH sa pagpapabuti ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa lalo na sa kalakhang Metro Manila.

Sa kabilang banda, pinuri ni Villanueva si Go sa kanyang pangako na tiyaking makukuha ng mga nangangailangan ng pangangalagang pangkalusugan ang serbisyo at tulong na kailangan nila.

“Masyado pong humble ‘yung huling nagsalita para sabihin na ‘supporting cast’ lang siya. Siya po ang chairperson ng Senate committee on health kaya hindi po siya sumusuporta sa cast ‘nun. Siya po ang nag-sponsor, siya po yung nag-hearing, siya po ‘yung ginamit ng Diyos para tuluyang maipasa ang panukalang batas na ngayon ay ganap na batas na — ang Joni Villanueva General Hospital. Palakpakan po natin si Senator Bong Go,” sabi ni Villanueva sa kanyang talumpati.

“Si Senator Bong Go, noong time na nabubuhay pa si Mayor Joni, palaging pumupunta dito, palaging nagbibigay ng tulong. May nasunugan, may dumating na assistance, alam naman natin kung gaano siya kalapit kay (dating) Pangulong (Rodrigo) Duterte at isang tawag lang po diyan, nakakatulong po siya, di lang dito sa Bocaue, kundi sa buong Bulacan,” anang pa ng senador.

Sa pagpapatuloy ng kanyang pahayag, binanggit din ni Go na malapit nang magkaroon ng Malasakit Center sa loob ng JVGH na magsisilbing one-stop shop para sa mga medical assistance program na makukuha mula sa mga kinauukulang ahensya.

Ang programa ng Malasakit Centers ay isang brainchild ni Go na naglalayong mabigyan ng maginhawang access ang mga mahihirap na pasyente sa mga medical assistance program ng DOH, Department of Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstake Office. Nakapagtatag na ngayon ang programa ng 153 centers at nakinabang ang milyun-milyong mahihirap na Pilipino sa buong bansa mula nang simulan ito noong 2018. RNT