Jordanian national arestado sa hotel

Jordanian national arestado sa hotel

February 7, 2022 @ 6:54 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Inaresto ng mga operatiba ng NBI-Special Task Force (NBI-STF) ang isang Jordanian national sa Makati City dahil sa iligal na pag-iingat ng baril at pagiging marahas sa  loob ng isang hotel.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric B. Distor ang naaresto na si Tarek Siam.

Ayon sa NBI, nakatanggap ng reklamo ang ahensya  mula kay Congressman Anthony Rolando T. Golez, Attorney-in-Fact ng Makati Hotel and Residences Condominium Corporation, kung saan humihiling nglaw enforcement assistance kaugnay Kay Siam na bayolenteng nangha-harass  sa mga empleyado ng hotel.

Bukod dito,binantaan din niya ang ilang security guards ng nasabing establisimyento  habang may baril na itinuturing na isang paglabag sa election gun ban at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2012.

Nang suriin ng NBI-STF sa database ang criminal records ni Siam, nalaman na mayroon itong warrant of arrest na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch  005 dahil sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, at Discrimination Act.

Sa bisa ng warrant of arrest, si Siam ay naaresto sa tinutuluyang hotel at narekober sa kanya ang isang  Glock 27 Gen 4 at mga bala.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o  Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag  sa The Omnibus Election Code sa City Prosecutor, Makati City. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)