Jovit, nagparamdam sa asawa!

Jovit, nagparamdam sa asawa!

December 26, 2022 @ 7:52 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Nakasanayan na raw ni Camille Ann Miguel na noong nabubuhay pa ang asawang si Jovit Baldivino ay nakaabang na ito sa orasan bago mag-12 o’ clock sa mismong Araw ng Pasko.

Si Jovit daw ang unang-unang bumabati sa kanya ng Merry Christmas.

Pero itong taong ito, ani Camille ay hinayaan daw siya ni Jovit na siya ang nakaabang sa orasan at bumati ng Maligayang Pasko sa pumanaw na karelasyon.

Pumanaw si Jovit nitong December 9 sanhi ng aneurysm.

Limang araw siyang comatose sa isang ospital sa Batangas City matapos mahilo sa inatenang birthday party noong December 4.

Dahil kailan lang pumanaw si Jovit ay naroon pa rin daw ang sakit na nararamdaman ni Camille.

May mga paramdam daw sa kanya ang yumaong singer.

Sa tuwing umiiyak daw si Camille ay nakakaramdam daw siya ng malamig na yakap sa kanyang buong katawan.

Tiyak daw si Camille na si Jovit ang yumayapos sa kanya para paalalahanan siyang huwag maging malungkot.

Sigurado raw si Camille na kapag nalulungkot siya’y nalulungkot din si Jovit.

Aniya, “Kaya nga mahal ko, asawa ko, pipilitin kong mag-move on dahil ‘yun ang gusto mo. Nalulungkot ka pag umiiyak ka. Kaya kahit saan ka man naroroon, alam kong nakabantay ka sa akin. Merry Christmas in heaven.”

Matatandaang noong December 5, isang araw pagkatapos isugod si Jovit sa ospital, ay nanawagan si Camille ng panalangin sa halip na magkalat ng fake news tungkol sa kalagayan ng singer.

Itinanggi ni Camille ang kumalat na balitang nag-collapse si Jovit sa birthday party kung saan inimbitahan siya.

Ang totoo, pagkatapos nitong mag-perform ay naupo ito at maya-maya’y ngumiwi na ang mukha at naglalaway.

Sa ospital na nasuri si Jovit na inatake ng aneurysm, na sanhi rin ng pagkamatay ni Isabel Granada noong 2016. Ronnie Carrasco III