J&T NAIS PATANGGALAN NG LISENSIYA NG CONSUMER GROUP

J&T NAIS PATANGGALAN NG LISENSIYA NG CONSUMER GROUP

September 3, 2022 @ 3:26 PM 3 weeks ago


BILANG pagbibigay proteksyon sa mga manggagawa at maging sa hanay nila, nagsampa ng kaso ang United Filipino Consumers and Commuters  sa Department of Information and Communications Technology  para tanggalan ng lisensya ang J&T at ang mga franchise partners nito.
Idinahilan ng UFCC na ang layon ng kanilang pagsasampa ng kaso ay  sa labor at operations malpractice na  ginagawa ng J&T na labag sa batas.
Napagdesisyunan ng UFCC ang pagsasampa ng kaso  matapos  marinig ang  State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.  kung saan binigyang diin nito ang kahalagahan ng digitalization sa iba’t-ibang sektor ng lipunan tulad ng logistics at supply chain space para sa ikauunlad ng bansa.
Ang UFCC ay isang advocacy group na nagproprotekta ng mga karapatan ng mga mamimili at tumatayong intermediary sa pagitan ng gobyerno at ng publiko sa pamamagitan ng pagsulong ng policy at regulatory reforms.
Kasama sa adbokasiya ng grupo ang subaybayan ang mga aktibidad ng iba’t-ibang logistics providers sa bansa sa gitna ng mga nag-uumapaw na mga reklamo galing sa mga mamimili at nagbebenta.
Kaya nga si dating Representative at UFCC national adviser Jonathan Dela Cruz ay nanawagan kay Pangulong Marcos na silipin ang mga iregularidad at mga anomalya na diumano’y pinapalaganap ng J&T.
Ayon sa consumer group, minamaliit ng J&T ang pagsisikap ng DICT sa pag-regulate ng postal delivery service at inilalagay nito sa panganib ang kaunlaran at estabilidad ng Philippine digital economy na isa sa mga kritikal na sektor para sa economic recovery plans ng bansa.
“ Ang serbisyo ng J&T ay kalat na kalat sa buong bansa, ang paulit-ulit na paglabag nito sa Postal Service Act at iba pang mga batas ay sapat na batayan para bawiin ang ‘Authority to Operate Express and/or Messenger Delivery Service’ nito,” ayon kay Dela Cruz.
“Hindi lang ang J&T ang hinahabol namin dito sa aming adbokasiya.
Nagkataon lang na karamihan sa mga reklamong pinaparating sa amin ay puro tungkol sa kanila, ” dagdag niya.
Sa reklamong ipinadala ng UFCC sa DICT, hiniling ng nasabing consumer group na imbestigahan ng gobyerno ang  operasyon ng J&T at ng mga franchise partners nito na patuloy umano sa pagnenegosyo ng walang kaukulang franchise permits at partikular na tinukoy ni Dela Cruz ang J&T franchisees sa Maynila, Quezon City at Caloocon.
Ikinatwiran din ni Dela Cruz na sa kawalan ng legal accreditation, kawawa ang mga mamimili sa mga negosyong ito dahil wala silang puwedeng takbuhan kung nasira ang mga pinamili nila.
Giit pa ng adviser na mahirap kilalanin ang mga salarin kung kulang-kulang ang mga dokumento na puwedeng ma-access ng publiko.
Noong nakaraang taon, pinatawag ni Pangulong Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para imbestigahan ang J&T. Ipinatawag niya rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para siyasatin kung ang J&T ba ay nagbabayad ng tamang buwis.
Gayunman, tumatakbo pa rin ang negosyo nito nang walang pagbabago at laganap pa rin ang mga reklamo kung saan kasama na  ang mishandling of parcels na nakakasira sa mga produktong ipinamili, contrabands na natagpuan sa loob ng J&T property, mga nawawalang parcels, overcharging sa delivery fees, maling pag gamit ng pribadong impormasyon ng mga kustomer, at hindi makatarungang mga polisiya sa trabaho.
At para sa kaalaman pa ng marami, noong 2020, kinumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 12 kilo ng methamphetamines na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P81.6 million sa isang warehouse na pagmamayari ng J&T.
O, di ba, dapat lang tanggalan ng lisensiya?