Jun Lozada, kapatid inilipat sa Bilibid

Jun Lozada, kapatid inilipat sa Bilibid

June 11, 2022 @ 11:15 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilipat sina NBN-ZTE whistleblower Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr. at kanyang kapatid na si Orlando sa New Bilibid Prison (NBP) nitong Biyernes, ayon sa ulat.

Pinroseso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang turnover lampas alas-4 ng gabi, na pormal na paglilipat ng kanilang kustodiya sa Bureau of Corrections (BuCor).

Makukulong ang magkapatid na Lozada ng hanggang 10 taon sa NBP matapos ideklarang guilty sq graft nang umano’y ibigay ni Jun ang mahigit ektarya ng pampublikong lupain sa kanyang kapatid sa ilalim ng Lupang Hinirang Program of the Philippine Forest Corporation (Philforest).

Si Jun ang dating presidente ng Philforest. Mariin niyang itinanggi ang mga alegasyon.

Gayundin, iginiit ni Jun na hindi niya pinagsisisihan ang pagkampi sa katotohanan nang isiwalat niya ang kontrobersyal na NBN-ZTE deal sa panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. RNT/SA