Justice Bernabe magreretiro na; 6 nag-aagawan sa posisyon

Justice Bernabe magreretiro na; 6 nag-aagawan sa posisyon

May 13, 2022 @ 12:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magreretiro na si Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Estela M. Perlas Bernabe sa Sabado, Mayo 14, bunsod ng mandatory age retirement na 70 anyos para sa mga miyembro ng hudikatura.

Mahigit 25 taon nang nagsilbi si Justice Bernabe sa hudikatura bilang trial court judge at appellate court justice.

Siya ay na-promote sa SC noong Setyembre 16, 2011 pagkatapos ng kanyang pitong taong panunungkulan bilang huwes ng Court of Appeals (CA).

Dahil dito, nagsumite ang Judicial and Bar Council (JBC) kay Pangulong Rodrigo Duterte ng listahan ng anim na mahistrado ng hukuman na nominado sa mababakanteng posisyon ni Bernabe.

Kabilang dito sina, sa alphabetical order, Court of Appeals (CA) Associate Justice Ramon Alcala Cruz at Maria Elisa Sempio Diy, Sandiganbayan Associate Justice Geraldine Faith Abracia Econg, at CA Associate Justices Ronaldo Roberto Baquizal Martin, Fernanda Lampas Peralta, at Maria Filomena Dumandan Singh.

Kasunod ng desisyon ng SC noong Marso 17, 2010 na naging pinal at executory noong Abril 20, 2010, maaaring humirang ang Pangulo ng kapalit ni Bernabe.

Sakaling italaga ni Pangulong Duterte ang kapalit ni Bernabe, ang bagong appointee ay ang kanyang ika-13 incumbent appointee sa 15-member SC. RNT