Justin Arana tinamaan ng partial ACL tear

Justin Arana tinamaan ng partial ACL tear

March 28, 2022 @ 12:53 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Tinamaan ng matinding dagok ang Arellano University matapos ma-diagnose ang kanilang bigman na si Justin Arana na may partial acute ACL tear sa kanyang kanang tuhod matapos buksan ng Chiefs ang kampanya nito sa NCAA Season 97 nitong Linggo.

Kinumpirma ni Arana ang development ilang oras matapos siyang sumailalim sa MRI test, na nanggaling sa 65-63 come-from-behind win ng Arellano laban sa San Sebastian College-Recoletos sa La Salle Green Hills.

Gayunpaman, nilinaw ni Arana na wala pang pinal na desisyon kung hindi siya makakapasok sa buong season, ngunit ang recovery period para sa bahagyang ACL tear ay maaaring tumagal ng hanggang tatlong buwan.

“Wala pa pong sinasabi [if out na ako for the season], [pero] pupunta pa po ata kami kay Doc (Jose Raul) Canlas,” ani Arana.

Nagkaroon ng awkward landing si Arana sa rebound battle kay Jessie Sumoda ng Stags sa 1:49 mark ng fourth quarter, ilang segundo lamang matapos bawiin ng Arellano ang kalamangan sa triple mula kay skipper Gelo Sablan, 62-60.

Umupo si Arana at hindi na bumalik sa laro pagkatapos ng pangyayari na iyon at lumabas na ng court.

Sa kabila ng maagang pag-alis sa laro, ang 6-foot-7 bruiser ay nagkaroon pa rin ng breakout na laro nang kumamada ng double-double na 16 puntos at 15 rebounds kasama ang apat na block at isang steal.

Si Arana ang Season 95 Rookie of the Year at Defensive Player of the Year.JC