Justin Brownlee, gagawing Pinoy ni Angara para sa Gilas Pilipinas

Justin Brownlee, gagawing Pinoy ni Angara para sa Gilas Pilipinas

November 18, 2022 @ 7:40 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Naghain ng isang panukalang batas si Senador Sonny Angara para sa naturalization ni American professional basketball player Justin Donta Brownlee bilang bahagi ng kanyang pangako na suportahan ang pagpapatuloy ng kaunlaran ng Philippine national basketball program.

Naunang sinabi ni Angara, chairman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), na kanyang sisimulan ang proseso sa naturalization ni Brownlee at isa pang dayuhang player bilang bahagi ng pagpapalakas ng manlalaro sa Gilas Pilipinas men’s national basketball team.

“We all know the capabilities of Brownlee on the basketball court and can only imagine the great things he can do as a member of our Gilas Pilipinas team. Justin has demonstrated his strong desire to be part of the national team—having played and lived in the Philippines for over five years as an import of Barangay Ginebra in the PBA,” ayon kay Angara sa paghahain ng Senate Bill No. 1516.

Naghain din ng katulad ng panukala si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang Senate Bill No. 1336. Kapwa ibinigay ang naturang panukala sa Senate Committee on Justice na pingungunahan ni Senador Francis Tolentino.

Sinabi ni Angara na kailanang nang madaliin ang naturalisasyon ni Brownlee dahil malapit nang matapos ng ika-anim at final na yugot ng FIBA World Cup Asian Qualifier na gaganapin sa Pebrero sa susunod na taon.

Naunang inaprubahan ng Justice Committee ng House of Representatives ang sariling bersiyon ng naturalization bill nito para kay Brownlee.

“Malaki ang maitutulong ni Brownlee sa ating Gilas Pilipinas. Bilang isang fan din ng basketball, talagang nakakabilib din ang mga nagawa na niya sa PBA. Two-time best import siya; naka limang titulo na siya bilang import ng Barangay Ginebra; at kabilang na siya sa pinakamagagaling na import sa kasaysayan ng PBA ,” ani Angara.

Sakaling maaprubahan ang naturalization, sinabi ni Angara na inaasahang palalakasin ni Brownlee ang Gilas Pilipinas team sa Pebrero kapag makakalaban nito ang Lebanon at Jordan sa sixth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

“Brownlee’s presence in the February games is critical due to the unavailability of Jordan Clarkson, who will still be fulfilling his commitments with the Utah Jazz in the NBA,” ani Angara. Ernie Reyes