K-12 program ipinare-rebyu ni PBBM – Sara Duterte

K-12 program ipinare-rebyu ni PBBM – Sara Duterte

June 20, 2022 @ 3:24 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagrerepaso at pagrerebisa sa implementasyon ng K to 12 program.

Sinabi  ni Vice President-elect at incoming Education Secretary Sara Duterte sa isang panayam sa Davao City, ang bagay na ito ay kailangang talakaying mabuti.

“That is something na kailangan pag-usapan, na it cannot be decided overnight… but initially it is something na napagusapan din namin ni President Marcos and he already give instructions with regard to the review of the implementation of K-12 program of the Department of Education,” ayon kay VP Sara.

Sinabi ni VP Sara na titingnan niya ang tatlong usapin bilang hepe ng Edukasyon kabilang ang epekto ng pandemic sa mga  mag-aaral,  full implementation ng face-to-face classes, at ang masusing talakayan ukol sa K to 12 program.

May ilang Filipino ang nagpahayag ng kanilang hangarin para sa direksyon ni VP Sara  bilang susunod na Kalihim ng DepEd.

May ilang nagsabi na ang  K to 12 program ay dapat nang itigil.

Sinabi ni VP Sara na handa siyang magdaos ng dayalogo at konsultasyon sa grupo ng mga  guro at magulangupang pag-usapan ang education system sa bansa.

“Yes of course, ang success ng city government of Davao is precisely that we’ve partner with the private sector, we consult the private sector, we consult the stakeholders kung ano ‘yung mga suggestions nila na puwedeng mai-adopt ng city government ng Davao so I will take that klase ng pagtratrabaho doon sa Department of Education,” ayon kay VP Sara.

Hinggil naman sa umento sa sahod ng mga guro, sinabi ni VP Sara na ipagpapatuloy niya ang programa ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, para sa kapakanan ng mga teaching personnel.

“Actually the Duterte administration did something about that so we will dovetail from what the Duterte administration did for the welfare and benefits of teachers,” ani VP Sara.

“So, titingnan natin paano natin mapush ‘yun kung ano ‘yung mga accomplishments galing sa administration ni PRD,”  dagdag na pahayag nito. Kris Jose