K-9 ipakakalat sa Bilibid

K-9 ipakakalat sa Bilibid

November 4, 2022 @ 8:05 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Magpapakalat na ng K-9 dog units ang Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prison bilang bahagi ng pagpapaigting ng laban kontra sa pagpuslit ng mga kontrabando sa loob ng pasilidad.

Ito ay makaraang madiskubre ang napakaraming mga ipinagbabawal na gamit sa loob ng NBP tulad ng cellphone, mga patalim, illegal na droga at mga lata ng beer.

Ayon sa BuCor, ang K-9 police dogs ay hindi lamang makadidiskubre ng mga illegal na droga kundi maging ang mga cellphone at iba pang electronic device.

Samantala, magpapakalat din ang ahensya ng mga bomb-sniffing dogs.

“Di naman magsisinungaling mga ‘yan. Ang handler ang very crucial kasi baka mamaya yung handler naman ang ma-corrupt,” pahayag ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang Jr.

Dagdag pa rito, iniimbestigahan na ng BuCor ang 55 tauhan nito na nakadestino sa NBP nang mangyari ang insidente, at ang ilan sa mga ito ay ikinanta pa ng mga inmates. RNT/JGC