K-DRAMA AT COVID (2)

K-DRAMA AT COVID (2)

January 25, 2022 @ 10:06 AM 8 months ago


SA totoo lang, hindi simpleng libangan at pampalipas-oras ang mga K-drama para sa akin.

Sa tuwing nanood kasi ako, parang meron akong kaibigan na kasama sa kwarto.  Relate na relate ako sa mga pangyayari at sa pag-inog ng istorya.

Kapag mga police story tulad “Life on Mars” o “Psychometric”  ang pinanonood ko, naalala ko ang mga diskarte at karanasan ng investigative stories ko noon.   Bumibilis naman ang pintig ng puso ko sa mga crime thriller na “My Name” and “Taxi Driver”.

Damang-dama ko naman ang dramahan at kiligan ng love-couples sa mga romantic comedy na  “Crash Landing On You” at “Hometown ChaCha”.

Kasabay ko pa nga manood ang asawa ko sa mga kakaibang istorya ng “Hotel del Luna” at “Goblin”.  Gustong-gusto n’ya raw kasi ang mga alamat na basehan ng kwento ng mga ito.

Halo ang pantasya sa love story at komentaryo sa lipunan na masyadong bulag sa mga materyal na bagay.

Panalo rin sa amin ang mga period drama na “Crown Prince” at “100 Days My Prince”, dahil andami mo nang natutunan sa history ng Korea, ang ganda pang panoorin ng mga damit, arkitektura at mga eksena ng kalikasan o nature-scenes.

Baka pwede tayong gumawa ng mga kahalintulad na produksyon ganito, ano? Nakabase talaga sa kasaysayan at alamat ng Pilipinas.

Wala namang tatalo sa family bonding namin noong sabayan kaming nag-binge watch ng Squid Game at Reply 1988.  Hindi ko talaga akalain na magkakaroon ako ng mga ganong kahaba at kalalim na kwentuhan sa dalawa kong binata dahil pare-pareho kaming madaming tanong sa kung ano ang mensahe ng episode, o ano kaya ang mangyayari sa susunod na kabanta o meron ba katulad na sitwasyon sa mga Pilipino ang napanood namin.

Hindi ko pa sinasama r’yan ang travel at cooking shows na mga Koreano na talagang inaabangan ko, tulad ng 3 Meals a Day, Youn’s Stay,  House on Wheels, Korean Hostel in Spain, Unexpected Business atbp.

Bukod sa napaka-natural ng pagganap ng mga artista sa mga palabas na ito lasang-lasa ko ang mga Korean food na niluluto nila sa show.

Para bang kasama ako sa mga kwentuhan at huntahan nila.

Palagay ko, pwede rin o kaya rin nating gumawa ng mga ganitong palabas.

Nawalan man ako ng panlasa dahil sa COVID lasang-lasa ko naman ang  panood ng mga teleserye ng K-darama.  Dahil siguro mas malapit ang mga gawi at istorya natin mga Asyano, feeling ko, mas appreciated ko talaga ang K-drama kesa sa mga Western na TV series na hilig ko noon.

Salamat K-drama dahil naging bahagi ka ng paggaling ko at tiyak ng iba pang mga Pilipinong tinamaan ng COVID at mga naka-quarantine. Itinatawid mo ako sa lockdown at quarantine ng COVID.