K9 ipakakalat sa BuCor jails

K9 ipakakalat sa BuCor jails

October 25, 2022 @ 8:31 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Iniatas ni Bureau of Correction officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. na balak niyang ipakalat ang mga K9 dogs sa mga kulungan ng New Bilibid Prison para sa pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad.

“Hindi naman battleground o war zone ito. Baka ilabas ko ang mga aso. Mga aso dadalhin ko dito. Ang aso, kung ano ang itinuro sa kanila, gagawin nila. Pag nakaamoy ng bomba, drugs, metal, uupo sila. Gagawin nila ito at gagawin nila ito ng maayos. ‘Yan ang dadalhin ko dito,” ani Catapang.

Ang tugon ng BuCor OIC ay matapos tanungin ng mamamahayag kung plano niya bang ipasok ang kasundaluhan sa bilibid.

Si Catapang kasi ay dating punong kawani ng Armed Forces of the Philippines noong administrasyon ni dating pangulong Benigno Aquino III.

Sinabi ng BuCor OIC na magde-deploy siya ng mga K-9 dogs sa lahat ng entry at exit point ng mga kulungan at penal farms sa buong bansa upang matiyak ang hindi pagpasok ng mga ipinagbabawal na bagay. Nais din niyang magkaroon ng mas maraming CCTV camera para masubaybayan ang galaw ng mga tauhan, preso, at bisita.

“Nagtatanong sila, paano bang labas-masok mga tao dito? Wala bang aso dito? K-9? Ang K-9 hindi pwedeng suhulan ‘yun eh. Makaamoy ng bomba, droga, uupo ‘yun… Ibabalik natin ang K-9 unit at mas magiging mahigpit at mas observant tayo sa labas-masok, CCTV,” dagdag pa ni Catapang.

Sa unang araw sa panunungkulan bilang OIC, nilagdaan ni Catapang ang isang utos na “ibalik” ang lahat ng miyembro ng BJMP sa kanilang mother unit.

“Wala naman (major) revamp. We’re just giving them back their jobs kasi nga, if I’m not mistaken, maybe 70 or 80% ng mga personnel dito were taken from BJMP. It’s just honorable for these people who are working here na naka-floating na pwede sa position,” paliwanag pa niya.

Matatandaang si dating Philippine National Police chief at ngayon ay senador Ronald “Bato” dela Rosa ay pinapasok ang elite Special Action Force sa bilibid. RNT