KABATAAN PABALIKIN NA SA ESKWELA

KABATAAN PABALIKIN NA SA ESKWELA

December 14, 2021 @ 2:53 PM 10 months ago


KUNG ang mga kabataan ay pinapayagan nang pumunta sa mga shopping mall, maggagala sa lansangan sa disoras nang gabi at maglaro ng video games sa mataong internet cafes, bakit hindi pa sila payagan na bumalik sa eskwelahan kung saan natututukan sila ng mga guro?

Totoong makahulugan ang umpisa ng pagdadaos ng in-person o face-to-face school classes bilang isang malaking hakbang tungo sa normal na pamumuhay o “new normal.”

Nagalak tayo at maraming nakabalik sa paghahanapbuhay at dagsa ang mga pamilya sa mga shopping mall ngayong pasapit ang kapaskuhan sa ilalim ng Alert Level 2.

Ngunit iba talaga ang kaligayahan sa puso ng mga magulang ukol sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa eskwela tulad sa nakagisnan nating mga Pilipino na lubos ang pagpapahalaga sa edukasyon ng kabataan.

Ilang libo pa lang ang nakikibahagi sa resumption ng in-person classes sa 277 public and private schools at umaasa ang Department of Education na makikisali ang mas maraming paaralan sa elementary at high school.

May 28 pampubliko at pribadong paaralan sa National Capital Region ang nakibahagi sa face-to-face sessions noong nakaraang linggo.

Karamihan sa 26.3M primary at secondary students ang magpapatuloy sa online classes at paggamit ng modules ngunit may pag-asa na susunod na ang kanilang pagpasok sa paaralan at makita nang personal ang kanilang mga guro.

Umaasa si DepEd Secretary Leonor Briones na mangyayari ‘yan sa mga susunod na buwan habang patuloy na bumubuti ang public health conditions at nagpapatuloy ang vaccination rollout sa kabila ng banta ng COVID-19 variant Omicron infection.

Ika nga, finally there is light at the end of the tunnel.

Makaraan ang halos dalawang taon ng pandemya at paulit-ulit na pagsirit ng COVID-19 cases, lumitaw na hindi epektibo ang sobrang higpit na lockdowns kung saan nagsiksikan ang mga tao sa komunidad.

Hindi nakabuti sa mga bata lalo ‘yung mga nasa “formative years” ang pagkakakulong sa bahay nang mahabang panahon kung kailan nangailangan sila ng social interaction.

Nabago lang ang takbo sa pagdating ng mga bakuna mula sa ibang bansa sa pamamahala ni National Task Force Covid vaccine czar Carlito Galvez.