Kabataang nakararanas ng mental health problem ipinanalangin

Kabataang nakararanas ng mental health problem ipinanalangin

October 16, 2022 @ 1:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Panalangin ng isang Obispo na mapagtagumpayan ng mga kabataan ang nararanasang mental health problem ng mga kabataan.

Ayon kay Daet, Camarines Norte Bishop Rex Andrew Alarcon na ang dasal ay kasabay ng paggunita sa National Mental Health Week kung saan pinagtutuunan ang pagtugon sa pagdami ng mga kabataang nakakaranas ng mental health problem.

Batid ni Bishop Alarcon, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth na patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga kabataang nakakaranas ng mental health problem sanhi ng iba’t ibang nangyayari sa kapaligiran.

Ayon sa Obispo, higit na kailangan ng mga taong nakakaranas ng anxiety at depression ng makakausap at nakahandang makinig upang matulungang gumaan ang kalooban, at makabangon mula sa kadiliman.

Hiling din ni Bishop Alarcon para sa mga nalulumbay at nababalisa na higit na magtiwala sa kakayahan ng pananalangin bilang paraan ng pakikipag-usap at patuloy na paghingi ng gabay mula sa Panginoon.

Napag-alaman sa pagsusuri ng Philippine World Health Organization Special Initiative for Mental Health noong 2020 na 5.15 porsyento ng mga kabataang Pilipino ang apektado ng mental health problem.

Ayon sa pag-aaral na maliban sa nangyayaring krisis sa lipunan, kabilang sa mga pangunahing sanhi ng anxiety at depression sa mga kabataan ay ang epekto ng bullying o pang-aapi sa loob ng paaralan.

Sa huling ulat na isinapubliko ng Department of Education, naitala noong 2015 ang 21 porsyentong pagtaas sa mga kaso ng bullying sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Jocelyn Tabangcura-Domenden