Kabi-kabilang cholera outbreak sa bansa, ipabubusisi ni Estrada

Kabi-kabilang cholera outbreak sa bansa, ipabubusisi ni Estrada

November 6, 2022 @ 12:46 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nais ni Senador Jinggoy Estrada na magkasa ng Senate inquiry upang tutukan ang nakababahalang ulat ng outbreak ng cholera sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Matatandaan na sa ulat ng Department of Health (DOH), mayroon nang kabuuang 3,729 na kaso nito mula noong Enero o paglobo ng 282% sa mga kaso noong nakaraang taon.

Maliban dito, mayroon nang 33 indibidwal ang nasawi mula sa cholera ngayong taon at pinakaapektado ang mga bata edad lima hanggang siyam.

“More than ascertaining the whys and the wherefores, the situation strongly calls for a review of existing policies to prevent and mitigate the outbreak of the disease,” pahayag ni Estrada sa kanyang explanatory note ng inihaing Senate Resolution No. 266.

Ayon pa sa Senador, pinakaapektado ng cholera ang pinakamahihirap na pamilya at mga nasa vulnerable sectors.

“There is a need to protect the population, especially the children and the underprivileged, against this debilitating yet preventable illness through a coordinated approach among government agencies,” ani Estrada

“The existing policies and programs on sanitation and immunization must be reviewed in order to enhance emergency response mechanisms and preventive measures against the transmission of the disease and to promote public health,” dagdag pa niya.

Sa datos ng DOH, naitala sa Eastern Visayas, Davao Region at CARAGA region ang pinakamaraming kaso ng cholera na naitala.

Nalampasan na rin ng Central Luzon, Western Visayas, at Eastern Visayas ang epidemic threshold levels ng cholera sa nakalipas na 10 buwan. RNT/JGC