KADAHILANAN KUNG BAKIT MAYROONG NAGTATAKSIL SA ASAWA

KADAHILANAN KUNG BAKIT MAYROONG NAGTATAKSIL SA ASAWA

October 27, 2022 @ 5:20 PM 1 month ago


Kahapon sa ating “Samu’t Saring Kaalaman” ay inumpisahang pag-usapan natin ang adultery o ang pangangalunya. Ipagpapatuloy natin ang ating naputol na diskurso.  

May mga kadahilanan kung bakit pumapatol ang isang babae sa isang lalakeng may asawa – may dahil sa kagipitan at kahirapan ng buhay, may nabola at nalinlang dahil nagpanggap na binata, ngunit gaya sa mga kuwento ng mga pelikula at palabas sa telebisyon na paborito ng marami sa atin, dahil na rin sa atraksiyon na nauuwi sa isang pag-ibig sa maling panahon.

Itinuturing bilang isang aktong krimen ang pangangalunya at pakikiapid sa ating bansa gaya ng isinasaad ng Act 3815 o ng Revised Penal Code of the Philippines 2222 partikular sa Articles 333 at 334 na may kaparusahang pagkakulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon.

Kung ipapatupad nga daw ang probisyon ng batas na ito, halos 75% ng mga mag-asawa ating bansa ay maipapasok sa kulungan dahil sa pagkakaroon ng ibang karelasyon.

Naging mainit muli ang usapin hinggil sa pagkakaroon ng diborsyo sa ating bansa. Sa buong mundo kasi, tanging ang Pilipinas na lamang ang hindi nagpapatupad ng ganitong klase ng pagwawalang-bisa sa isang kasal.

Gaya ng inaasahan, mahigpit ang naging pagtutol ng Universal Catholic and Apostolic Church sa isyung ito. Ngunit kataka-takang, maging ang mas nakararami nating mga kababayan ay tutol dito gayung laganap ang pangangalunya sa ating lipunan.

Hindi maikakaila ang lumalaking bilang ng mga mag-asawang nauuwi sa hiwalayan dahil sa pagkakaroon ng ibang babae ni Mister o ibang lalaki ni Misis. Dahil na rin sa kamahalan at tagal ng proseso ng pagkuha ng annulment sa atin, ang ginagawa na lamang ng dating mag-asawa ay ang pagkakaroon ng usapan sa Barangay o sa sinumang abogado na walang magdedemanda sa bawat panig at wala nang pakialaman pa sa mga personal na buhay. Kumbaga, puwedeng magkaroon ng kinakasama ang bawat isa ngunit hindi na pupuwede pang magpakasal.

Pikit matang tinatanggap ito ng ating lipunan, dahil bagamat krimen ang pakikiapid, hangga’t walang nagrereklamo, hindi ito uusad at magkakaroon ng kapasyahan.

Hindi naman palaging kontrabida ang mga kerida, kung pag-aaralan, lubhang napakahirap ng kanilang sitwasyon sa ating lipunan. Gaya ng mga napapanood kong panayam, sinasabi nilang mahirap talaga ang nakikiamot lamang sa pag-ibig.

Bilang pangalawa lamang, dapat daw matutunan ang paghihintay kung kalian lamang may oras ang lalake para madalaw o siputin ka lalung-lalo na sa mga okasyong pampamilya gaya ng Valentine’s day, Father o Mother’s Day, Pasko, Bagong Taon at sa iyong kaarawan. Hindi man nila dapat maramdaman, naroroon parin ang sakit sa kanilang mga puso.

Mabuti na lamang at pantay na halos ang pagkilala ng ating batas sa mga lehetimo at mga anak sa labas, puwede nang gamitin ang apelyido ng kanilang ama kahit hindi sila kasal basta’t kinikilala ng lalake ang kanyang responsibilidad.

Tiyak na mayroon tayong mga kakilala o kaibigan na nasa ganitong sitwasyon, sa ganang akin lamang, wala sa atin ang pagpapasya hinggil sa desisyong kanilang pinasok, ang mahalaga lamang ay huwag natin silang husgahan, dahil hindi natin alam ang kanilang mga pinagdaanan.