Kadete ng PNPA nasawi sa heat stroke

Kadete ng PNPA nasawi sa heat stroke

June 20, 2022 @ 11:18 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasawi ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite, nitong Sabado.

Ang tinuturong dahilan ng pagkasawi ay dahil sa heat stroke, anang PNPA nitong Linggo.

Sa isang pahayag, kinilala ng PNPA ang biktimang si New Cadet Rafael Sakkam na na-admit pa sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa City, Laguna, noong Hunyo 7 matapos mawalan ng malay sa isang afternoon road run.

Si Sakkam, na naka-confine sa intensive care unit, ay idineklarang patay alas-6:01 ng gabi. noong Sabado dahil sa cardiac arrest.

Batay sa medical certificate at final diagnosis ni Sakkam, namatay siya dahil sa heat stroke.

Upang maiwasan ang mga katulad na insidente, sinabi ng PNPA na ang Commandant at Tactics Group nito ay nagpatupad ng “mahigpit na hakbang” at “mga angkop na interbensyon” upang matiyak na ang lahat ng mga kadete ay sapat na hydrated sa panahon ng summer training.

Sinabi ng PNPA na ang mga pangangailangan ni Sakkam ay ibinigay ng PNPA Administration sa panahon ng kanyang pagkaka-ospital hanggang sa kanyang libing noong Linggo kasunod ng mahigpit na tradisyon ng Islam.

Ayon sa PNPA, hinihiling ng pamilya ang kanilang privacy habang nagluluksa sila sa pagpanaw ni Sakkam.

“We would like to reassure the public that the PNPA Administration will never cease working to establish effective yet proactive approaches to our cadets’ training and development, with top priority given to their health, safety, and well-being,” sabi ng PNPA.

Nanawagan din ang PNPA sa mga social media pages para sa kanilang diumano’y hindi tumpak na mga ulat sa pagkamatay ni Sakkam. RNT