Kadiwa ‘di long-term solution sa mataas na presyo ng sibuyas, iba pa – Imee

Kadiwa ‘di long-term solution sa mataas na presyo ng sibuyas, iba pa – Imee

January 1, 2023 @ 11:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi pangmatagalan na solusyon ang mga Kadiwa stores kontra sa tumataas na presyo ng sibuyas at iba pang mga agricultural products.

Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos nitong Sabado, Disyembre 31 matapos itong personal na mag-inspeksyon sa ilang Kadiwa stores.

Matatandaan na inilunsad ang mga ito upang magbenta ng mga produktong direkta na nanggagaling mismo sa mga probinsya katulad ng Ilocos Norte at Pangasinan sa mas murang halaga.

Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na kailangan baguhin ang farming system at distribusyon ng mga paninda upang masolusyunan ang mataas na presyo ng mga bilihin.

“Talagang sinimot simot muna yung mga pwede na [na sibuyas]. Hindi pa malaki pero go na kasi wala talagang mahanap na sibuyas. Eto after two weeks, sabi ko naman sa kanila eh kumpleto na marami nang aanihin na malaki laki eh kikita na rin sila dahil babagsak ang presyo in a few weeks,” anang Senadora.

Nitong Sabado rin, dinagsa ng mga mamimili ang ilang Kadiwa stores sa Makati City at Quezon City dahil sa abot-kayang presyo ng pula at puting sibuyas na mabibili lamang sa P170 kada kilo.

May bigas din dito na ibinibenta lamang sa P25 kada kilo.

Bilang tugon naman sa tumataas na presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan partikular na ang mga sibuyas, nauna nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na nakikipag-ugnayan na sila sa mga market administrators para rito.

“If they cooperate na yung ating COOP ang magsupply sa palengke then they can bring down that prices po sa retail talaga,” ani DA Assistant Secretary Kristine Evangelista.

“Kinakabahan sila kasi may mga kartel na talagang sinasakal yung mga market buying eh kung tutuusin kung diresto sila bumili sa cooperatiba at sa mga magsasaka ang laking mura,” tugon naman ni Marcos. RNT/JGC