Kadiwa ng Pangulo sa Bicol inilunsad

Kadiwa ng Pangulo sa Bicol inilunsad

March 16, 2023 @ 4:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – INILUNSAD ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang unang inisyatiba ng Kadiwa ng Pangulo sa Rehiyon ng Bicol noong Huwebes, na sinabing malapit nang makamit ng kanyang pamahalaan ang Php 20 kada kilo ng bigas kaya mas abot-kaya ito sa mga Pilipino.

Sa kanyang pagsasalita sa paglulunsad ng Kadiwa sa Pili, Camarines Sur, sinabi ng Pangulo na matagumpay ang programa, na nagsimula bilang Kadiwa ng Pasko noong nakaraang taon, sa pagdadala ng abot-kayang pangunahing bilihin sa mga mamamayan.

“Makikita ninyo, halimbawa ‘yung bigas, ‘yung aking pangarap na sinabi noong bago akong upo na sana mapababa natin ang presyo ng bigas ng Php20. Hindi pa tayo umaabot doon, dahan-dahan palapit. Nasa Php25 na tayo. Kaunti na lang, maibaba natin ‘yan,” ani Pangulong Marcos .

“Tapos ‘yung ginawa natin, halimbawa doon sa sibuyas, ganoon din para… Biglang nagtaasan lahat eh kulang sa produksyon. Ginawa namin ay dinagdagan namin para bumaba rin ang presyo,” idinagdag pa ng Pangulo.

Kaugnay nito binanggit ng punong ehekutibo na ang isang katulad na hakbangin ay isinagawa ng gobyerno nang tumaas ang presyo ng asukal sa higit sa Php100 kada kilo, kung saan ang presyo ng asukal ay nasa P85 na kada kilo.

Sa ngayon, inilunsad ng administrasyon ang mahigit 500 outlet ng Kadiwa ng Pangulo sa buong bansa, iniulat ng Pangulo.

Samantala bukod sa pagbibigay sa mga mamimili ng murang pangunahing bilihin, sinabi ni Pangulong Marcos na ang programa ay naglalayon din sa pagtulong sa mga lokal na magsasaka at prodyuser na makakuha ng direktang access sa mga pamilihan.

“Lahat po ‘yan ay binibigyan din natin ng pagkakataon ‘yung mga maliliit na negosyo sa bawat lugar kung saan ‘yung Kadiwa para mayroon silang lugar para ipagbili ang kanilang mga produkto,” ipinunto pa ng Pangulo.

Ang kasalukuyang thrust ng gobyerno ay tulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na makabangon mula sa epekto ng Covid-19, sinabi ni Pangulong Marcos, na ipinaliwanag na ang MSMEs ay binubuo ng 99.5 porsyento ng maliliit na negosyo sa bansa.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa iba’t ibang ahensya na sumuporta sa inisyatiba tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Santi Celario