Kadiwa ng Pasko, munting tulong ng Marcos admin sa mga Pinoy – PBBM

Kadiwa ng Pasko, munting tulong ng Marcos admin sa mga Pinoy – PBBM

December 17, 2022 @ 11:34 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Munting pagtulong ng gobyernong Marcos sa mamamayang Pilipino ang Kadiwa ng Pasko para maging mas masaya ang Pasko ngayong taon.

Ito ang bahagi ng naging talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kadiwa ng Pasko sa Valenzuela City na isinagawa sa Malanday National High.

“Mabuti naman at marami na tayong nakikita na ganito na Kadiwa. Alam po ninyo, noong nagsimula kami na magbukas ng Kadiwa, ay iilan lamang, dito lamang sa Metro Manila, wala pang 20. Tapos noong susunod na Sabado, naging 40 na po. Tapos ngayon tinanong ko lang sa ating organizer, sa buong Pilipinas, labis na sa 300 na Kadiwa ang nabuksan na at gumagana para mabigyan ng kaunting tulong ang ating mga kababayan na ngayon na tumataas ang presyo, ngayon na hindi natin malaman kung saan tutungo ang presyo ng mga bilihan at nasabay pa sa Pasko,” ayon sa Pangulo.

Nagpapasalamat aniya siya hindi lamang sa Department of Agriculture, Department of Trade and Industry kundi maging sa mga nagdatingnan at nagdala ng kanilang ipinagbibili na local na manufacturer na MSME na maliliit.

“Kaya’t mabuti ito, itong Kadiwa, hindi lamang nabibigyan ng pagkakataon ang taumbayan na makabili ng kailangan na bilihin sa mas mababang presyo, ngunit nabibigyan din natin ng pagkakataon ang mga local producers ng mga maliliit na produkto na meron silang merkado, meron silang palengke kung saan sila maaaring pumunta at ipagbili ang kanilang mga ginawang gamit. Kaya po marami po tayong nakikita na advantage sa ating ginagawa na Kadiwa ng Pasko,” litaniya nito.

Ipinaliwanag naman ng Pangulo na ginawa lamang nilang pilot project ang Kadiwa ng Pasko dahil kahit aniya tapos na ang Pasko ay ipapagpatuloy pa rin ng pamahalaan ang Kadiwa ng Pasko para aniya mayroong pagkukuhanan ang mga mamamayan ng mas murang bilihin.

“Kaya maraming salamat sa lahat ng nakilahok. Maraming salamat sa lahat ng nagtrabaho para magkaroon tayo ng Kadiwa na ganito, hindi lamang sa Valenzuela, kung hindi sa iba’t ibang lugar pa sa Pilipinas,” ang wika ng Punong Ehekutibo.

“Kaya nakakatuwa po na makita ang inyong mga ngiti at mabati ko kayong lahat ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon,” ang dagdag na pahayag at pagbati ng Pangulo. Kris Jose