KADIWA NOON, TIANGGE NGAYON

KADIWA NOON, TIANGGE NGAYON

March 3, 2023 @ 1:21 AM 3 weeks ago


MALAKING pabor sa mga magsasaka at ordinaryong mamamayan ang inilunsad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na “Kadiwa ng Pangulo” kung saan direktang mabibili ng taumbayan ang presko at murang prutas,gulay at isda sa mga kabisera at lungsod.

Bagaman dati na itong programa ng ng ama ng Pangulo na si yumaong Apong Ferdie noong dekada 70 hanggang 80 subalit napapanahon ang pagpapalakas nito sa gitna nang mataas na inflation rate na sadyang nag-udyok din nang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga merkado.

Tinangkilik itong mga Kadiwa store noon bunsod sa mabibili sa mababang halaga ang bigas,asukal at delatang kabilang sa araw-araw na pangangailangan ng sambayanang angkop naman sa kanilang maliit na kinikita lalo na sa mga uring manggagawa.

Ngunit pansamantalang isinara ang mga Kadiwa store sa mga lalawigan makaraang umupo ang bagong administrasyon noong 1986 kung saan hindi naging prayoridad ang programang itong malaking tulong na sana sa nakararaming mamamayang salat ang kinikita.

Kaya naman unti-unting umusbong ang mga tiangge sa bawat munisipyo na kadalasan ay tuwing linggo isinasagawa ang pagbebenta ng mga sariwang produkto mula sa kabukiran at karagatang pareho ang konsepto at layuning direktang mabili ng taumbayan ang murang gulay at isdang sadyang bumuhay din sa pag-asa ng mga magsasakang may agarang masusuplayan ng kanilang mga ani.

Kunsabagay,kaakibat na sa kasaysayan ng bansa na ang mga ninuno natin ay nagpapalitan ng produkto sa pamamagitan ng ‘barter’ dahil hindi pa naman uso ang kwarta noong ginagamit na ngayon bilang bayad sa anomang produkto o serbisyong binibili ng sinoman.

Sa madaling sabi, batid ni Pangulong Bongbong na ang mga Kadiwa store ay malaking tulong upang maibsan ang pasanin ng mamamayang kulang pa ang kinikita sa pambili ng pang-araw-araw na pangangailangan at maiangat din ang kalagayan ng mga itinuturing na food producers ng kalunsurang hindi na magbabayad ng mahal na puwesto sa mga palengke sa halip ay itong inihanda ng gobyerno na bagsakan ng kanilang mga produkto.