Kadiwa sites pararamihin pa ng DA

Kadiwa sites pararamihin pa ng DA

December 3, 2022 @ 12:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bilang tugon sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palalawigin pa ang operasyon ng Kadiwa hanggang sa susunod na taon, siniguro rin ng Department of Agriculture na padadamihin pa nito ang mga Kadiwa sites sa buong bansa.

Sa Laging Handa public nitong Biyernes, Disyembre 2, sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na nais ni Marcos na marami pang mga mamimili ang makinabang sa mas mura at madaling mabili na mga agricultural commodities.

“Nabanggit po iyan ng ating mahal na Presidente dahil nakita nga po niya na malaki po ang difference ng presyo ng mga produktong ibinibenta sa Kadiwa kumpara po doon sa mga binibenta sa ibang mga lugar, at ito po ay talagang nakakatulong sa ating mga consumers,” ani Evangelista.

Ang iba pang mga regular na Kadiwa sites ng DA ay ginawa bilang Kadiwa ng Pasko upang mas marami pang mga ahensya ng gobyerno ang sumuporta rito.

“Ang ating Kadiwa ng Pasko po, again ito iyong partnership po sa mga iba’t ibang mga ahensiya, inisyatibo po ito ng Office of the President, mayroon na po tayong more than 15 sites for our Kadiwa ng Pasko,” dagdag niya.

Pinuri rin ni Evangelista ang mga local government agencies sa buong bansa sa pakikipagtulungan sa DA at hinimok ang iba pang ahensya na magbukas din ng mga Kadiwa sites sa kani-kanilang lugar.

“Sana po ay tangkilikin nila ang ating Kadiwa at lalo na po ang ating Kadiwa ng Pasko. Patuloy po tayong maghahanap ng mga lugar kung saan puwede po tayong mag-Kadiwa ng Pasko, lalo every payday po. And then, ang sabi nga po ng ating mahal na Presidente, itutuloy natin ito hanggang mga Marso and hopefully makakatulong sa ating mga kababayan,” aniya.

Hanggang nitong Biyernes, mayroon nang Kadiwa stores sa 256 na lugar sa bansa at 44 sa mga ito ay matatagpuan sa Metro Manila.

Sa mga Kadiwa stores, dito mabibili ang murang mga produkto katulad na lamang ng bigas na ibinebenta P25 kada kilo na may maximum buy na 4 na kilo kada mamimili.

Samantala, ang presyo ng asukal dito ay mabibili ng P70 kada kilo at P170 kada kilo naman sa pulang sibuyas. RNT/JGC