Kadiwa stores gawing permanente na

Kadiwa stores gawing permanente na

March 12, 2023 @ 2:01 PM 3 weeks ago


Sinuportahan ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee si Pres. Ferdinand Marcos, Jr. hinggil sa planong paglalagay ng mga permanenteng tindahan ng Kadiwa sa buong bansa.

“Suportado natin ang planong gawing permanente ang Kadiwa. In fact, we have been calling for the institutionalization of the program and filed a bill towards this end because it presents a win-win scenario for all concerned. Winner ang magsasaka, winner ang mamimili, Winner Tayo Lahat,” ani Lee.

Matatandaan na nito lamang Miyerkules ay inanunsyo ni Marcos ang kanyang plano na magtatag ng higit pang mga Kadiwa center.

“So, this Kadiwa program will just continue because now we are considering to evolve it. These won’t be so-called pop-up centers, but we will have a permanent Kadiwa center in various LGUs. We are studying the potential sites,” ani Marcos.

Samantala, ang House Bill No. 3957 o ang “Kadiwa Agri-Food Terminal” bill ay naglalayong i-institutionalize ang programa sa pamamagitan ng paunang P25 bilyong pondo para sa Department of Agriculture na magtayo at mamahala ng Kadiwa Agri-Food Terminals sa bawat local government unit sa bansa.

Sinabi ni Lee na ang pagpapalawak sa inisyatiba ng Kadiwa sa buong bansa ay maaaring maging isang kongkreto at agarang interbensyon sa kasalukuyang krisis sa pagkain.

Aniya, ang pagiging permanente ng programa ng Kadiwa ay makakatulong na maalis ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda na lumapit sa mga itinuturing na mga gahamang middelemen.

“Makakatulong ito para maging mas stable at mura na ang presyo ng pagkain dahil may direct access na sa pagitan ng mga producer at mamimili,” giit ng kongresista.

Nanawagan si Lee sa Kongreso na ipasa ang panukalang batas bilang pagsuporta sa plano ng Pangulo.

“Kaya sana sa lalong madaling panahon ay mapag-usapan na ang ating panukalang batas at maipasa na,” apela ni Lee.

Hinikayat din niya ang mga local government unit na sa ngayon ay makipag-ugnayan sa mga concerned national agencies kung paano isasagawa ang plano ng Pangulo.

“I hope that we can put this plan into action as soon as possible. This is an opportunity for the national government, Congress, and our LGUs to work together to alleviate the people’s plight.

Our collaboration will be key in making this work, kaya sana ngayon pa lang ay mag-usap-usap na kung paano ito maisasagawa,” dagdag pa ng kongresista. RNT