KAGAGUHAN NG KAWATAN; KUDOS SA NORZAGARAY POLICE

KAGAGUHAN NG KAWATAN; KUDOS SA NORZAGARAY POLICE

November 5, 2022 @ 9:06 AM 4 weeks ago


NITONG nakaraang Undas, pumunta tayo sa Police Station sa Norzagaray, Bulacan at nakipag-usap kay Police Major Susana Cullamco ukol sa kanilang mga aksyon laban sa mga gumagalang kriminal.

 


Magagaling ang mga pulis sa ilalim ni PMaj. Cullamco, ang kauna-unahang babaeng hepe ng pulisya sa nasabing bayan.

Nasa anim na buwan pa lang sa pwesto si hepe ngunit nakapanghuli na ang kanyang pwersa ng mahigit 180 suspek o akusado at kalahati na rito ang naipadala na niya sa mga may hurisdiksyon na pulis o husgado sa mga ito.

May mga dinala sa Bulacan provincial jail at sa ibang mga istasyon ng pulisya at kulungan sa labas ng Norzagaray at Bulacan.

Kalahati umano sa mga nahuli nila ang may kasong droga at sumunod dito ang mga magnanakaw.

May ispesyal lang tayong tatalakayin dito, mga brad.


May nahuli ang warrant and subpoena section ng nasabing pulisya sa sementeryo ng Norzagaray na may kasong robbery sa Makati City – si Alvin Salazar, taga-Brgy. Matictic sa nasabi ring bayan.

Alam ba ninyo ang nasamsam sa tarantadong ito?

Student license na nakapangalan sa taong inakyat bahay niya sa Sta. Maria, Bulacan noong bago pa magpandemya.

Ang inalala lang natin, kung saan pinaggagamit ni Salazar ang lisensya.

Bukod sa robbery, baka meron pa kayang pinaggamitan nito na ibang mga krimen.

Mabuti na lang, mabusisi sina major at mga tauhan nito at tinawagan nila ang may lisensya at pumunta ang tao sa kanila para magpakita at ideklarang siya ang tunay na may ngalan sa lisensya.

Akalain mo, hindi itinapon kundi dala-dala ni Salazar ang lisensya sa pagnanakaw.

Paano na lang kung iniwan niya ito sa kanyang mga biktima at huhulihin ng mga pulis ang nakapangalan dito na inosente naman sa krimen?

Kudos sa inyo riyan, P/Maj. Susana Cullamco, at ang inyong magagaling, masisipag, matitinik at matatapat sa tungkuling mga pulis.