Kagawad, isa pa arestado sa ‘vaccine slot for sale’

Kagawad, isa pa arestado sa ‘vaccine slot for sale’

July 28, 2021 @ 1:58 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Arestado  ang barangay kagawad sa Maynila sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI) at kanyang kasabwat dahil sa pagbebenta ng vaccine slot sa isang pampublikong eskuwelahan sa lungsod.

Kinilala ang naaresto na sina Arturo Magtalas, barangay  kagawad at kasabwat na si Benjie Montaos.

Ang dalawa ay naaresto sa ikinasang entrapment operation sa General Vicente Lim Elementary School sa Barangay 106, Tondo noong Sabado

Ibinibenta umano ng mga suspek ang vaccine slots sa mga manggagawang Chinese sa Philippine offshore gaming operators (POGO).

Ikinasa ng NBI Special Action Unit matapos na makatanggap ng impormasyon na nagbebenta ng  10 vaccine slot si Montaos sa halagang P6,000 bawat vial.

Ayon sa NBI, ang dalawa ay naaresto habang iniaabot ang vaccination stubs sa ahente ng NBI na nagpanggap na magpapabakuna.

Nakuha rin sa kanila ang marked money.

Sinabi pa ng NBI, inatasan ng mga suspek na magrehistro sa Manila City Hall upang mabigyan ng QR codes.

Kakasuhan ng graft at paglabag sa Anti-Red Tape Act ang mga suspek.

Si Magtalas ay mahaharap din ng hiwalay na reklamo para sa paglabag ng

Code of Conduct at Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Nitong July 23 ay naaresto rin si Mary ‘Rosebud” Ong at kanyang mga  kasabwat dahil din sa pagbebenta ng vaccine slots sa mga Chinese national sa Pasay City.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)


  •  
  •  
  •