Kagawad, misis inambush ng tandem, todas

Kagawad, misis inambush ng tandem, todas

February 23, 2023 @ 7:04 PM 1 month ago


Bulacan – Dead on the spot ang isang barangay kagawad at maybahay nito na lulan ng tricycle makaraang tambangan at pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa bayan ng Pulilan.

Kinilala ang biktimang si Rodolfo Macasuhot, 52, Barangay Kagawad ng Brgy. Balatong A at ang kanyang maybahay na si Melchora, 47 kapwa residente ng naturang lugar.

Sa report ng Pulilan police station, naganap ang insidente bandang 4:45 ng umaga nitong Pebrero 20, sa Purok A Geronimo st. Brgy. Balatong A.

Ayon sa report, nakatanggap ng tawag ang istasyon bandang 6:30 ng umaga mula sa Brgy. Balatong A na may insidente ng pamamaril kaya agad silang tumungo sa nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon, lulan ng tricycle ang mag-asawa nang lapitan ng dalawang hindi nakilalang lalaki at pagbabarilin na agad nilang ikinamatay.

Agad na tumakas ang dalawang suspek na napag-alamang lulan ng motorsiklo sa direksyon ng Baliwag.

Base report at ayon na rin sa ilang kaanak, wala silang alam na kaaway ng mga kalunos-lunos na biktima dahil simple lamang ang pamumuhay ng mga ito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen. Dick Mirasol III