Kagawad na anak ng ‘yorme’,kinasuhan ng attempted rape

Kagawad na anak ng ‘yorme’,kinasuhan ng attempted rape

April 29, 2022 @ 3:17 PM 2 months ago


BULACAN – Nasa hot water ngayon ang isang barangay kagawad na anak ng alkalde matapos kasuhan ng attempted rape ng isang dalaga na tumatakbong konsehal sa bayan ng Marilao.

Kinilala ang kinasuhan na si Kagawad Ricardo Silvestre Jr. ng Barangay Patubig, anak ni butihing Marilao Mayor Ricardo Silvestre Sr. habang ang nagreklamo ay ang tumatakbong konsehal na si Ma. Jovielyn Unlayao ng Barangay Lambakin

Ayon kay Unlayao, nangyari ang insidente noong Mayo 20, 2020 sa kuwarto ng isang project site na sakop ng Brgy. Patubig.

Aniya,pinasundo siya ni Jr sa isang nagngangalang Albert para magmasahe rito na kanyang pinaunlakan dahil sa pinansyal na pangangailangan noong kasagsagan ng pandemya.

Sa kalagitnaan ng pagmamasahe ay marami umanong inaaalok si Jr gaya ng pagiging boyfriend at “sugar daddy” na kanyang tinanggihan.

Naitanong din umano ng suspek kung may bilbil at kung “virgin” pa ang biktima base pa rin sa salaysay ni Unlayao.

Ilang saglit pa matapos ang masahe ay lumabas ang suspek subalit bumalik din agad na nag-abot ng bayad na P2,000 hanggang biglang hilahin, akapin nang mahigpit at hinalikan ang biktima.

Dahil sa takot, nagmaka-awa at nagpumiglas ang biktima hanggang makaalis sa lugar nang ihatid muli pabalik ni Albert sa kanyang bahay.

Sinasabing walang nag-udyok sa biktimang tumatakbong konsehal bilang indepenyente na magkaso bagkus hindi niya maatim na nakikita pa ang suspek na nagpapaalala sa nangyari at hindi na rin mangyari umano sa iba.

Samantala, mariing itinanggi naman ni Jr ang mga paratang sa kanya ng biktima na aniya ay may bahid pulitika lamang. Dick Mirasol III