Kagawad pinagnakawan ng lulong sa e-sabong

Kagawad pinagnakawan ng lulong sa e-sabong

March 25, 2022 @ 12:35 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sa karsel humantong ang isang 58-anyos na lalaking ipinapalagay na lulong din sa e-sabong matapos na basagin ang salamin at pagnakawan ang kotse ng isang kagawad ng barangay sa Valenzuela City para umano may maipangbayad sa mga utang.

Swak sa hoyo at haharap sa kasong theft ang suspek sa si Robert Leonardo, ng Gremville Subdivision 1, Barangay Bagbaguin, Caloocan City na natiklo sa follow-up operation nitong Marso 23.

Ayon sa pulisya, sa nasabi ring araw ay binasag ang salamin at pinagnakawan ng suspek ang Mitsubishi Montero ng biktimang si , Jim Ajero, 47, barangay kagawad habang ito ay nakaparada sa Parada Road, Fortune 5, Barangay Parada, Valenzuela.

Ayon kay Ajero, may nakasaksi sa insidente, at sinabing nabigla siya nang makitang basag ang kaliwang passenger side window ng kanyang sasakyan. Bukod dito ay iniulat ng biktima na nawawala ang kanyang P50,000 cash at identification cards.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at natunton ang suspek sa tulong ng closed circuit television (CCTV) camera footage, kung saan malinaw na si Leonardo ang bumasag ng salamin ng kotse at tumangay sa mga ari-arian ng biktima.

Inamin naman ni Leonardo ang krime at narekober sa kanya ang P480 cash at iba pang pag-aari ni Ajero gaya ng identification card, flat screw driver, tire wrench, USB flash drive, at flash light.

Gayunpaman, para nang bulang naglaho ng P50,000 cash ni Ajero na ipinangbayad na raw ng utang ni Leonardo. Merly Iral