KAGUBATAN PROTEKTAHAN-PBBM

KAGUBATAN PROTEKTAHAN-PBBM

February 22, 2023 @ 10:17 AM 1 month ago


PATULOY na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang makatotohanang pagpapahalaga sa kalikasan kabilang ang pagbibigay proteksyon sa nalalabing ilang ektaryang kagubatan sa bansa dulot nang walang habas na pagpuputol ng kahoy ng illegal loggers at dambuhalang mga kompanya ng minahan.

Sa kanyang mensahe sa isinagawang pagtitipon ng Philippine Military Academy Alumni Association kamakailan,sinabi ni Presidente Marcos na ipatutupad ng kanyang administrasyon ang mga polisiya hinggil sa pagpapaunlad ng ekonomiya kaakibat ang green technology kabilang ang renewable energy sa usapin nang pag-suplay ng elektrisidad sa bansa.

Sa totoo lang, coal at krudo pa rin ang ginagamit ng malalaking kompanya sa power generation nitong matagal ng isinantabi ng iba’t-ibang bansa bunsod sa ibinubugang usok na ayon sa mga siyentipiko ay ugat ng nararanasan ngayong global warming.

Ayon pa kay PBBM,hindi mababayaran ang halaga ng ilang makakapal pang kagubatang nagsisilbing source and sink ng oxygen at carbon dioxide na itinuturing na puno’t dulo ng buhay ng bawat indibidwal.

Subalit ilang dayuhang kompanya ba ngayon ang nagsusulong ng responsableng pagmiminang hindi lang mga maliliit na minero ang nagrereklamo ng kanilang pang-aabuso sa kalikasan kundi maging ang makakalikasang grupo ay isinusuka rin ang pagsasalaula sa kagubatan?

Kagaya ng Filminera Resources Corporation na pag-aari ng Canadian investors at halos 15 taon nang tinabas ang malawak na kabundukan ng Aroroy,Masbate dahil sa open-pit na pagmimina nitong patuloy na ipinangangalandakan ang responsableng pagmimina samantalang mistulang disyerto na ang hitsura ng lugar at marami pa ang gutom na maliliit na minerong hindi binigyan ng kabuhayan nitong mahirap pa sa daga ang kalagayan ngayon.

Maibabalik pa ba ng kompanya ang dating hitik sa punongkahoy na lugar na halos isang siglo nang prinotektahan ng mga tagarito bunsod sa rito sila kumukuha nang ikinabubuhay para sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng small scale na pagmimina?

Ilang kompanya ba ngayon sa bansa ang sumusunod sa direktiba ni PBBM na kung sisilipin ang bawat dayuhang nagmamay-ari ng large scale mining ay totoong lumalabag sa responsableng pagmiminang matagal nang hindi inaaksyunan ng gobyerno?

Kapag hindi busisiin ni PBBM ang mga kompanyang ito,hindi pa rin maitutuwid ang mga pang-aabusong ginagawang sadyang pinapasasaan na lang ng mga dayuhan ang yaman ng bansa samantalang pobre naman ang nasasakupan ng tinabas nitong mga lugar.