KAGULUHAN, DEMORALISASYON IWASAN SA COURTESY RESIGNATION

KAGULUHAN, DEMORALISASYON IWASAN SA COURTESY RESIGNATION

January 7, 2023 @ 11:40 AM 3 weeks ago


LUMABAS nang hindi lahat ng matataas na opisyal ng pulisya ang susunod kay Philippine National Police chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa pagsusumite ng courtesy resignation ayon sa pakiusap ni Interior Secretary Benhur Abalos.

Katwiran ni Sec. Abalos at mga kasanggan niya na nagsusulong ng courtesy resignation, nais ng bagong pamahalaan na malinis nang todo ang buong kapulisan, lalo ngayong lumilitaw ang pagbabalik ng mga ninja cop na sumpa sa pamahalaan at taumbayan.

At habang nakabitiw sa kapangyarihan ang mga colonel at heneral, kasabay nito ang malalimang pag-aaral sa gawa at background ng mga ito na magsisilbing batayan para sa pananantili nila sa puwesto o pagkasibak o pagkakalipat at iba pang kalagayan.

ILANG BATAYAN USAPIN

Ang totoo, pinangambahan nating mangyari ang hindi pagsunod ng lahat dahil may ilang batayang usapin na dapat munang maging klaro bago ang pagsusumite ng courtesy resignation.

Kauna-unahan sa listahan ng balakid sa pagsunod sa pakiusap ang authority para sa pagpapa-resign.

Isang tanong: Buo ba ang authority ng DILG Secretary para sa pagpapA-courtesy resignation?

Isa pang tanong: Sapat bang sabihin ng DILG Secretary na alam o may pahintulot ang Pangulo sa pagkilos na ito?

Baka may magtanong pa kung nakasulat o nakadokumento ang pagbibigay-kapangyarihan ng Pangulo sa DILG Secretary para sa courtesy resignation.

MAAARING MAUWI SA TOTOHANANG PAGBIBITIW

Kontrobersyal ang pagpapa-resign nang boluntaryo na katumbas ng courtesy resignation dahil maaaring mauwi ito sa totohanan at sapilitang pagpapabitiw sa pwesto.

At kung may tatanggalin sa trabaho o sisibakin sa pagkapulis, maaaring maaaring malagay sa alanganin ang tinatawag na due process.

Sapat ba ang mga pagtingin sa mga background at pag-aaral ng mga awtoridad nang walang full blown trial para sa pagsibak o pagdisiplina o paglilipat ng pwesto?

SEGURIDAD SA TRABAHO

Isa pang matinding usapin dito ang maaaring pagkakalabag ng tinatawag na security of tenure o seguridad sa trabaho.

Pinaghirapan ng mga colonel at heneral mula sa pagka-tinyente nang napakahabang panahon ang kanilang posisyon at dumaan ang mga ito sa mga ligal na proseso ngunit maaaring sa isang iglap, sa pamamagitan ng courtesy resignation, ay basta na lang mawawala ang kanilang empleyo sa gobyerno.

Para mas maliwanag, okey lang na magkaroon ng courtesy resignation ang mga nasa pwesto dahil bitbit sila ng mga nakapwestong politiko at tatak nila ang tinatawag na co-terminus.

Sa co-terminus, kapag nawala na sa pwesto ang nagbitbit sa kanila sa empleyo, gudbay na rin ang kanilang empleyo.

HINDI MAGBIBITIW SUSPETSOSO

Isa pa, may nagsasabing suspetsoso ang hindi magsusumite ng courtesy resignation ng sinomang colonel at heneral.

Ang masasabi lang natin, nasa nagsususpetsa ang responsibilidad para patunayan ang kanilang suspetsa.

Isa pa, manatiling suspetsa ng mga marites ang suspetsang walang mailalabas na matibay at malakas na ebidensya para sa suspetsa.

Dagdag pa, kailangang dumaan sa timbangan ng imbestigasyon at paglilitis kung may katuturan ang mga ebidensya.

SANA HINDI MAGKAGULO, MAGKAHATI-HATI

Sana hindi pagmumulan ng demoralisasyon at kaguluhan ang courtesy resignation sa hanay ng mga armadong pwersang ito ng pamahalaan.

Hindi rin sana pagmulan ito ng mga pagkahati-hati ng mga mamamayan at panghihina ng pamahalaan.