Maraming nagtataka na sa kabila ng napakagandang tanawin o tourist destinations sa Pilipinas ay hindi pa rin tayo nangangalahati man lang sa rami ng tourist arrivals kung ikukumpara sa ating mga kapitbansa tulad ng Thailand, Singapore at iba pa.
Hindi lang kasi ang destinasyon ang mahalaga kundi kung paano mararating nang maginhawa at mabilis ang lugar na gustong bisitahin.
Ang Vietnam ang isang magandang patunay dito. Dumaan ito sa madugong digmaan laban sa mga Amerikano noong ‘60s at ‘70s. Pero sa gitna ng mga hamon ng kanilang nakaraang kasaysayan, nalampasan na ng Vietnam ang Pilipinas sa larangan ng turismo!
Isang Vietnamese industrialist si Johnathan Hanh Nguyen at kamakailan ay pinamunuan niya ang kauna-unahang airport sa Vietnam na may 4-star international standard sa Cam Ranh, Khanh Hoa province. Isang oras by plane ang layo nito mula Ho Chi Minh City.
Dumating para sa inagu¬ras¬yon ng airport ang Minister of Transportation ng Vietnam na si Nguyen Van The at si Quezon City Congressman Sonny Belmonte bilang isa sa mga pangunahing bisita.
Ang Cam Ranh ay katulad din ng Boracay pero maayos ang beach resorts nila, maluwang ang mga kalsada at dahil nga sa bagong airport, 8 million tourists a year ang estimate nila na darayo sa Vietnam na karamihan ay Ruso.
Sa Pilipinas, masasabi natin na “right move” ang pansamantalang pagsasara ng Boracay dahil ito ang magiging mahigpit na kakumpitensya ng Cam Ranh at ng Pattaya ng Thailand at Bali, Indonesia.
Ang bagong airport sa Vietnam ay kayang mag-accommodate ng higit-kumulang na 5M turista kada taon at by 2030, ito’y aabot na ng 10M.
Ang investment sa bagong terminal na ito ay mga 3.7 trillion VND o $164 million US dollars. Itinayo sa loob lang na 19 na buwan. Sigurado na sisigla lalo ang turismo ng Vietnam dahil sa bago at napakagandang airport nila
.
Ito ang isa sa dapat matutukan ng ating pamahalaan: ang magkaroon ng mga airport para paginhawain ang pagpunta ng mga turista sa Pilipinas.
Sayang ang potensyal ng napakaraming magagandang lugar sa atin na hindi mapuntahan o mahirap dayuhin.
Kay Ginoong Johnathan Hanh Nguyen, congratulations! Nawa’y maging inspirasyon ka ng mga namumuno sa turismo ng Pilipinas at ng buong bansa. – SIBOL NI INTON