Kahihinatnan ng vape bill wala pang kasiguraduhan – Malakanyang

Kahihinatnan ng vape bill wala pang kasiguraduhan – Malakanyang

July 7, 2022 @ 10:07 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanantili pa ring nasa limbo at walang kasiguraduhan ang kapalaran ng panukalang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, o mas kilala bilang Vape Regulation Bill.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Press Secretary Beatrix Rose “Trixie” Cruz-Angeles na walang indikasyon na pipirmahan o hindi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Vape Bill o hayaan itong “mag-lapse into law.”

“So, there has been no indication. The President has not commented on these bills right now,” ayon kay Cruz-Angeles nang tanungin kung may plano si Pangulong Marcos na lagdaan ang Vape Bill into law.

HIndi naman lingid sa kaalaman ni Cruz-Angeles na ang nasabing panukalang batas ay maaaring “lapse into law,” sa oras na mabigo ang Pangulo na umaksyon sa bagay na ito.

“The President has not indicated either way. So, when you say that there are bills pending before the President, as you know, if no action is made, then it lapses into law,” aniya pa rin.

Ang Vape Bill ay niratipikahan ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Enero 26, 2022.

“If the President does not act on a proposed law submitted by Congress, it will lapse into law after 30 days of receipt,” ayon sa Official Gazette.

Noong nakaraang buwan ay muling nanawagan si Sen. Pia Cayetano at ang isang grupo ng mga doktor kay (dating) Pangulong Rodrigo Roa Duterte bago pa ito bumaba sa kanyang tanggapan ang huli na i-veto ang vape bill na anila’y nagpapanggap lang bilang health bill.

Sabi ni Dr. Rizalina Gonzalez, Chairman ng Philippine Pediatric Society, sa halip na umusad, paatras ang nilalaman ng “Vape Bill.”

“Sa gitna ng pandemya, may bagong bill na inilalabas na dapat ang iniisip natin health promotion. Kung babasahin mo at matino ang utak mo, naiintindihan mo ang nangyayari sa tobacco control. Lahat, nag-retrogress. In-allow ang flavor. Ibinaba ang age. Ibinigay ang regulation sa DTI. ‘Yun ba ay health promotion?” ani Gonzalez.

Sabi naman ni Cayetano na siyang tumutol sa bill sa Senado, talagang pinalalabnaw ng Vape bill ang kasalukuyang Sin Tax Law.

“It was a bill masquerading as a health bill. It was never a health bill. It was a bill to promote the vape and smoking industry. Kunyari pa,” sabi niya.

“Niloloko nila mga tao. ‘Yun ang totoo nun. This bill is fooling the Filipino people. Either bobo ka or niloloko mo kapwa mo Pilipino kung sasabihin mo na nakabubuti itong batas na ito sa mga Pilipino,” dagdag pa niya.

Sabi ni Cayetano, Enero 2022 nang maipasa ang panukala pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapadala sa Malacañang at nananatiling naka-pending sa secretary general ng Kamara.

Nanawagan siya sa papasok na administrasyon na kung aabutan nila na naka-pending ang Vape Bill ay i-veto ito ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Sabi naman Dr. Ulysses Dorotheo, Executive Director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA): “Backward po itong vape bill. It is a disguise bill, masquerading. Fake po siya, hindi siya totoong regulatory bill but a fake regulatory bill.”

Kabilang sa tinututulan ni Cayetano at mga doktor sa Vape Bill ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Trade and Industry na mag-regulate ng vape.

Anila, dapat ay sa Food and Drug Administration ito, sang-ayon sa kalalabas na desisyon ng Korte Suprema.

Tutol din sila na ginawang 18 years old ang pinapayagang bumili ng vape sa halip na 21 years old.

At kinokontra nila ang pagpayag sa paggamit ng iba’t ibang flavor sa vape na mas nakahihikayat sa isang indibidwal na mag-vape. Dapat anila ay orignal at menthol flavor lang.

Paniniguro naman ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physician, sakaling lagdaan ng pangulo ay handa silang dumulog sa Korte Suprema para kwestyunin ang constitutionality nito. Kris Jose