KAHIRAPAN SA ‘INFLATION’

KAHIRAPAN SA ‘INFLATION’

November 14, 2022 @ 11:18 AM 3 weeks ago


HINDI na talaga biro ang sobrang taas ng mga bilihin ngayon. Naitala natin ang inflation rate na 7.7% nitong buwan ng Oktubre 2022, pinakamataas mula nang dikdikin ang mga ekonomiya natin ng Asian Financial Crisis noong 2008. Mas mataas ang inflation rate na ito sa buwan ng Setyembre, na nasa 6.9%

Seryosong krisis ang tuloy-tuloy na pagsirit ng inflation rate. Pero, ano nga ba ang “inflation”?

Ang “inflation” ay ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo na binibili ng mga tao. Tumataas
ang presyo dahil mas marami ang gustong bumili (spen
ding) kesa sa mga gumagawa (produce) ng mga produkto o serbisyo.

Lahat ng bansa sa buong mundo ay humaharap ngayon sa “inflation” dahil nga sa giyera ng Russia-Ukraine na may epekto sa galaw ng langis, pagkain, at enerhiya. Isama mo na rin ang pagbagal ng ekonomiya sa patuloy na dagok ng pandemya. Panghuli, dagdag na pressure din ang mga trahedya ng dala ng kalamidad tulad ng lindol, baha, at mga landslides dala ng malalakas na mga bagyo.

Kakaiba ang mga pangyayaring ito dahil sa lawak at lalim nang paghihirap na dala ng malakihang epekto ng inflation. Pero para sa ordinaryong nanay na tulad ko, simple lang ang ibig sabihin nito.

Mas kaunti na kaya ang nalalaman ng basket ko sa tatlong libong piso budget pamalengke para sa isang linggong pangkain. Noon sapat na ang isang libong piso para sa isang linggong supply. Dalawang libo na pang-grocery na pwede mo pang singitan ng mga tsokolate at softdrinks noon.

Ngayon, dapat may dala kang apat na libong piso para makumpleto ang mga pangunahing pangangailangan na nasa grocery list mo.

Sa sobrang bilis ng inflation, grabe ang pahirap nito sa mga ordinaryong manggagawa dahil kasama pa ang pagtaas ng presyo ng gasolina, ng gasul , ng kuryente at ng tubig.

Magpapasko pa naman at mukhang naka-budget na ang 13th month pay ng ating mga manggagawa.

Importante rin na maintindihan natin na magkaiba ang masamang epekto ng inflation sa isang mayaman na pamilya at sa naghihikahos na mga minimum wage earners.

Ilalahad ko sa susunod kong kolum ang mga solusyong pwedeng pag-aralan ng gobyerno at ng pribadong sektor para tugunan ang krisis na ito.

Samantala, habang naghihigpit ng sinturon ang mga mahihirap, makonsyensa sana ang mga tiwali at korap na mga opisyales ng gobyerno na walang pakundangan sa pagnanakaw at pagsasamantala sa mga yaman ng bayan.