Kahit bumulusok growth rate, NCR ‘very high risk’ pa rin – OCTA

Kahit bumulusok growth rate, NCR ‘very high risk’ pa rin – OCTA

January 18, 2022 @ 7:00 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng patuloy na pagbulusok ng arawang growth rate ng COVID-19 sa National Capital Region, ay nananatili pa rin itong “very high risk”, ayon sa independent research group OCTA.

Sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David na nakapagtala ang Metro Manila ng 13,543 bagong COVID-19 cases nitong Lunes, base sa datis ng Department of Health.

Mula naman sa naitalang -1 pagbawas sa growth rate ng COVID sa NCR ay bumulusok pa ito sa -4, ani David.

“The daily growth rate decreased to – (negative) 4 percent, i.e. there is now a day-to-day decrease of 4 percent, based on the seven-day moving average,” paliwanag ni David sa isang tweet.

Maging ang COVID-19 reproduction number sa Metro Manila ay nabawasan sa 2.37 mula sa peak na 6.16 noong Enero 2.

Sa kabila nito, ipinupunto ni David na kahit ang mga datos ay bumababa kailangan pa ring subaybayan ang magiging galaw ng COVID cases sa susunod na linggo, dahil maaaring may backlog pa at mga nahuli lang na naiulat na kaso.

“In the meantime, we need to continue best practices in order to bring cases down further,” paalala ng eksperto. RNT