Kahit may bivalent vax, administrasyon ng ‘monovalent vaccines’ tuloy pa rin – DOH

Kahit may bivalent vax, administrasyon ng ‘monovalent vaccines’ tuloy pa rin – DOH

December 28, 2022 @ 5:30 PM 1 month ago


Kahit naglabas na ang Food and Drugs Administration (FDA) ng “emergency use authorization (EUA)” para sa mga bagong bivalent vaccines ay tuloy pa rin ang pagtuturok ng “monovalent vaccines” sa mga Filipino, ayon sa Department of Health (DOH).

“Hindi po natin ititigil itong monovalent kasi ito naman po ay epektibo pa rin naman po,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Ang bivalent vaccines ay magbibigay ng proteksyon laban sa malulubhang sakit dulot ng mga bagong variants kumpara sa monovalent vaccines na ginawa upang labanan ang orihinal na virus mula sa Wuhan, China.

“Ito pong bivalent, bibigyan ng additional protection especially po yung ating mga nakakatanda tsaka yung mga vulnerable,” paliwanag ni Vergeire.

Sa susunod na araw ay inaasahan na maglalabas ang DOH ng mga rekomendasyon at panuntunan sa pagtukoy sa prayoridad na populasyon o kung ibibigay ito sa “general population”.

“Tayo po ay bumibili din nitong bivalent vaccine, siyempre, unang-una para mas maprotektahan yung mga vulnerable natin, kasi po may mga ebidensya nang lumalabas na sa ating nakakatanda, at saka doon sa mga may comorbidities, mas protektado sila kung meron itong bivalent vaccine,” paliwanag pa ni Vergeire. Jocelyn Tabangcura-Domenden