Kahit may UHC law, 34%-44% ng hospital bill sagot pa rin ng Pinoy

Kahit may UHC law, 34%-44% ng hospital bill sagot pa rin ng Pinoy

October 6, 2022 @ 8:44 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sinasagot pa rin ng mga Filipino ang “significant amount” ng kanilang hospital bills sa kabila ng pinalawig na healthcare coverage sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law.

Sa idinaos na pagdinig ng Senate committee on government corporations, sinabi ni PhilHealth officer-in-charge Eli Dino Santos na sinasagot pa rin ng mga Pinoy na nao-ospital ang 34% hanggang 44.7% ng kanilang hospital bills.

Tinukoy ni Santos ang 2019 study ng PhilHealth.

Aniya, 34% ang sinasagot ng isang tipikal na pasyente sa kanyang hospital bill.

Ang ibig sabihin lamang ani Santos ay “for every P1 spending, the out of pocket is 34 centavos.”

“There’s also a report from the PSA (Philippine Statistics Authority)-Philippine National Health Accounts, our out-of-pocket is still at 44.7% based on our current health expenditure,” wika nito.

Ang Republic Act No. 11223 o ang “Universal Health Care (UHC) Law ” na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-20 ng Pebrero 2019 ay nangangahulugan ng isang malawakang reporma sa sektor ng kalusugan sa Pilipinas.

Sinasabi ng batas na ito na awtomatiko nang miyembro ng National Health Insurance Program o NHIP ang lahat ng Pilipino. Sa pamamagitan ng “immediate eligibility” na ito ay magkakaroon ng access ang mga Pilipino sa kabuuang serbisong pangkalusugan. Kasama na dito ang preventive, promotive, curative, rehabilitative, and palliative care. Nakasaad din dito ang mga serbisyo katulad ng libreng konsultasyon, laboratory tests at diagnostic services.

Ang bawat Pilipino ay maaring pumili ng kanilang health care provider na pwede nilang puntahan sa para sa konsultasyon at pagpapagamot. Samantala, hindi na kailangan pang ipakita ang PhilHealth ID para maavail ang mga ganitong benepisyo.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Senador Alan Peter Cayetano, chairman ng panel na “based on OCTA Research survey, 57% say they’re not members of PhilHealth. Why? Because they’re being asked to present an ID.”

May ilan pa ring ospital ayon sa senador ang nagre-require ng PhilHealth ID bilang proof of coverage.

Para naman kay Santos ang mga ospital na nagre-require ng PhilHealth IDs ay ginagawa lamang ng 90% ng mga pinoy na nakarehistro sa sistema ng PhilHealth. Kris Jose