Kahit na-hostage, pagdinig ng MRTC dinaluhan pa rin ni De Lima

Kahit na-hostage, pagdinig ng MRTC dinaluhan pa rin ni De Lima

October 10, 2022 @ 6:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isang araw makaraan ma-hostage ng tumakas na bilanggo sa PNP Custodial Center kahapon, Oktubre 9, dumalo pa rin sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Muntinlupa Regional Trial Court si dating Senador Leila de Lima para sa nalalabing drug charges laban sa kanya.

Sa kabila nito, sinabi ni Atty. Filibon Tacardon, legal counsel ni De Lima na ipinagpaliban ang pagdinig makaraan magpositibo sa COVID-19 si Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Ani Tacardon, hindi naman sumailalim sa COVID-19 testing si De Lima dahil wala itong sintomas ng sakit.

“Pero ‘yun nga sayang lang ang pagkakataon na matuloy na ‘yung hearing ngayon. Kumpleto na sana yung both sides. Pinagtataka lang namin nung nakapasok na kami at saka lang nilabas,” aniya sa panayam ng mga mamamahayag.

Hindi rin umano napag-usapan ang posibilidad ng pansamantalang pagpapauwi kay De Lima na maaalala nauna nang sinabi ng defense team ng dating senador na pinag-aaralan nila ito makaraan ang nangyaring hostage-taking.

“Pagiisipan pa namin ulit kung paano ‘yan makakarating sa kanya pero tuloy-tuloy ‘yung aming paguusap tungkol doon,” ani Tacardon.

“Meron siyang idea na ginagawa kami pero iniintay niya ‘yung aming discussions sana. Kaya lang hindi nga natuloy because nagkagulo na kami umpisa pa lang,” dagdag niya.

Nang matanong sa kalagayan ni de Lima, maayos naman ang lagay nito.

“Well, okay naman siya. Ang talagang kino-complain niya talaga sa amin ‘yung talagang may numbing pa rin sa dibdib bunga nung pagkakadiin nung pointed object sa kanya.” RNT/JGC