Kahit naudlot sa appointment sa DSWD, Tulfo tuloy sa trabaho

Kahit naudlot sa appointment sa DSWD, Tulfo tuloy sa trabaho

November 23, 2022 @ 3:14 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagkabalam sa appointment ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo sa Commission on Appointments, tiniyak nito na tuloy ang kanyang trabaho.

Sinabi ni Tulfo sa Kapihan sa Manila Bay na ito ay ayon na rin sa mga tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Ang instructions was, to keep on going – ang instruction ng ating Presidente kasi nga naman po –yung ika nga , yung appointment ko– Yung panunumpa ko sa kanya is effective until March po next year”, pahayag ng Kalihim.

Aniya, kahit ma-bypass siya ay mayroon pa rin siya hanggang Marso na kailangan bago italaga ng Commission on Appointment.

Wala naman aniyang sinasabi ang Pangulo kung ano ang gagawin basta’t sinabihan siya na maghanda.

Sinabi rin aniya ng Pangulo sa pamamagitan ng text na hayaan lamang ang CA na gawin ang kanilang trabaho dahil wala naman magagawa ang Ehekutibo hinggil sa isyu.

Dagdag pa, dahil trabaho ito ng Legislatura ay hintayin na lamang ang desisyon ng CA.

Ang pahayag ng Pangulo ay matapos humingi ng gabay at payo si Tulfo sa kanya kaugnay sa isyu.

Samantala, hindi naman idinetalye ni Tulfo ang deliberasyon kaugnay sa kanyang citizenship ngunit tiniyak nito na ilang buwan bago siya maitalaga ng Pangulo ay isinuko na nito ang kanyang pagiging US citizen.

Pagdating naman sa kanyang 4 counts ng libel case, limitado rin ang kanyang sinabi dahil ayaw nitong pangunahan o maimpluwensyahan ang pinag-uusapan sa deliberasyon.

Aniya, mag-uusap pa sila ng kanyang abogado para umapela sa Korte Suprema hinggil sa naturang usapin. Jocelyn Tabangcura-Domenden