Kahit walang badyet sa SPED, DepEd nangako ng internal adjustment

Kahit walang badyet sa SPED, DepEd nangako ng internal adjustment

September 19, 2022 @ 3:56 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nangako ang Department of Education na magsasagawa ito ng “internal adjustments” upang matugunan pa rin ang pangangailangan ng pondo sa special education.

Matatandaan na kamakailan ay naging matunog ang balita na walang nailaan na pondo sa proposed 2023 budget ng DepEd para sa special education o SPED.

Ayon sa Department of Budget and Management ngayong Lunes, Setyembre 19, pumalya ang DepEd na magpasa ng supporting documentation para sa hiling na pondo sa naturang pag-aaral.

Kabilang umano sa mga hindi naipasa ay ang detalye ng proposed amount with specific purposes, basic computation at status ng ongoing conversion at pagtatayo ng Inclusive Learning Resource Centers.

“While the Department of Education proposed the retention of the line item for the purpose under the FY 2023 National Expenditure Program (NEP), no sufficient documentation was provided to support the same,” anang DBM.

Kaugnay naman ng isyung ito, sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na magsasagawa ng “internal adjustments” ang ahensya upang mapondohan pa rin ang SPED.

“This means that in order to support the program, internal adjustments are made — be it in the available MOOE,” ani Poa.

Maliban dito, makikipagtulungan rin umano ang Kagawaran sa Kongreso upang makagawa ng paraan upang mapondohan ang special education sa bansa. RNT/JGC