Kahiya-hiyang bangayan sa Cha-cha, tigilan na – solon

Kahiya-hiyang bangayan sa Cha-cha, tigilan na – solon

March 19, 2023 @ 9:57 AM 6 days ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Cavite 4th District Rep. Elpidio Barzaga Jr. sa mga kasamahan sa Kongreso na tigilan na ang bangayan at palitan ng mga opinyon kaugnay sa Charter change o Cha-cha.

Ani Barzaga, dapat na panatilihin ng mga lider ng Kamara at Senado ang parliamentary courtesy, sabay-sabing naiwasan sana ang pagkakaiba-iba ng opinyon kung nauna munang napagbotohan ang charter change initiative sa Senado bago inanunsyo na walang sapat na bilang para maisulong ito.

“Nagkakaroon tuloy ng word war between the Senate President and the Speaker (Martin Romualdez) and (House Committee on Constitutional Amendments) chairman Rufus (Rodriguez). Minsan nakakahiya,” ani Barzaga sa panayam sa programa sa radyo.

“Dapat veteran legislators kami. Kung ano man ang pinagkaka-iba ng opinion, settle privately,” dagdag pa niya.

Ani Barzaga, nagsimula ang ‘word war’ nang sabihin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang delay sa pagpapatupad ng implementing guidelines ng tatlong batas na Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act, at Foreign Investment Act ay dahil sa pagsusulong ng Kamara na baguhin ang economic provisions ng Konstitusyon.

Sinalag naman ni Rodriguez ang sinabing ito ni Zubiri at sinabing “unfair” para sa mga mambabatas, lalo na sa Speaker, ang naturang alegasyon na minadali ng Kamara ang pagpasa sa panukalang nananawagan para sa Constitutional Convention (ConCon).

Ipinunto ni Barzaga na ang delay sa pagpapatupad ng implementing guidelines ng tatlong batas ay hindi kasalanan ng Kamara.

“Kaya sinasabi namin kung minsan nakakahiya rin sa publiko. The heads of the chambers of the lawmaking body are quarreling before the public. The issuance of the implementing guidelines of the aforementioned three laws is the act of the executive, independent of the action of the House and also of the Senate,” aniya.

Kung wala ring sapat na numero ang Senado, sinabi na lamang sana umano ni Zubiri kay Senador Robinhood Padilla na huwag nang ituloy ang public hearings dahil sayang lang sa oras; o kaya naman ay hintayin na lamang ang Senate Committee on Constitutional Amendments na bumoto para sa panukalang Cha-cha sa committee level at kung maaprubahan, pag-usapan ang mga isyu sa plenaryo.

“Sa tingin ko naman, lulusot sa committee level ‘yung proposal, eh ‘di napag-usapan na lang sa plenary. Mangampanya sila secretly saka bumoto at kung sakaling wala ‘yung two-thirds vote, saka sabihin sa publiko. But not at this time, that will be premature,” sinabi pa ni Barzaga. RNT/JGC