Kahon-kahong piccolo nasabat – PCG

Kahon-kahong piccolo nasabat – PCG

October 30, 2020 @ 5:17 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang walong kahon na naglalaman ng paputok kilala bilang ‘piccolo’ na iligal na ibiniyahe lulan ng isang ten-wheeler van sa Sta. Clara Pier, Barangay Jubasan, Allen, Northern Samar.

Ayon sa PCG, nagkakahalaga ng P81,000 ang nasabat na illegal shipment matapos ang inspeksyon na isinagawa ng Field Operating Unit – Eastern Visayas, Coast Guard K9 Team – Allen at Municipal Police Station – Allen.

Ayon sa driver at dalawang cargo helper, inutusan lamang sila ng may-ari ng van na i-pick-up ang nasabing kargamento sa Calamba, Laguna at i-deliver sa Ipil, Zamboanga Sibugay.

Depensa ng nasabing mga indibidwal, hindi ipinaalam sa kanila kung ano at para saan ang nasabing shipment.

Anila, binigyan lamang sila ng contact number na tatawagan sa oras na makarating sa kanilang destinasyon.

Sinabi ng PCG na nilabag ng mga ito ang  Republic Act No. 7183 o ang batas para mapangasiwaan ang pagbebenta, paggawa, pamamahagi at paggamit ng paputok sa bansa dahil ang pagbiyahe ng naturang shipment ay nangangailangan ng ‘permit to travel’ mula sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police.

Pagkatapos ng imbestigasyon, pinayagang makabiyahe pabalik ng Maynila ang tatlong indibidwal gamit ang ten-wheeler van, habang naiwan sa pangangalaga ng Coast Guard Station – Northern Samar ang nasabat na walong kahon ng paputok. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •  

Loading...