Kai, Adelaide wagi vs Phoenix Suns, 134-124

Kai, Adelaide wagi vs Phoenix Suns, 134-124

October 3, 2022 @ 3:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Malakas na naglaro si Kai  Sotto para sa Adelaide 36ers nang gibain nila ang Phoenix Suns, 134-124, sa NBLxNBA exhibition games noong Linggo sa Footprint Center (Lunes, oras ng Maynila).

Kumana ng pares ng dunks ang Filipino center, nagtapos na may 11 puntos, dalawang rebound, dalawang steals, at isang assist dahil positibo siya sa presensya sa court sa +11 sa kanyang 18 minutong paglalaro.

Tinulungan ni Sotto ang Adelaide na tumalon sa maagang 16-point lead, sa kanyang free throws sa 6:20 mark ng second quarter na naging 57-41 affair.

Nakalapit ang Phoenix sa isang puntos, 82-81, sa ikatlong quarter gamit ang jumper ni Chris Paul, ngunit ang dunk ni Sotto ay nagdulot ng 9-2 na pasabog upang maibalik ang kaayusan sa 91-83.

Nag-init si Craig Randall para sa 36ers at kumamada ng siyam na tres, nagtapos na may 35 puntos, tatlong rebound, dalawang assist, dalawang steals, at isang block, habang si Robert Franks ay nagpaputok din ng 32 puntos mula sa mainit na 6-of-10 shooting mula sa malalim, sa ibabaw ng pitong board, dalawang dime, dalawang steals, at isang block.

Si Antonius Cleveland ay may 22 puntos at limang rebound, si Daniel Johnson ay umiskor ng 15, at si Mitch McCarron ay naglabas ng 16 na assist, habang gumawa ng apat na puntos, siyam na rebound, tatlong steals, at isang block.

Tatapusin ng Adelaide ang dalawang laro sa US kung saan sunod nilang haharapin sa Huwebes ang Oklahoma City Thunder bago bumalik sa Australia para sa 2022-23 NBL season sa susunod na linggo.

Si Cam Payne ay nagmula sa bench para sa Suns at umani ng 23 puntos, apat na rebound, at dalawang assist habang sina DeAndre Ayton at Mikal Bridges ay may tig-22 puntos para sa Phoenix.JC