Kai Sotto ‘di lalaro sa Gilas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers

Kai Sotto ‘di lalaro sa Gilas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers

February 5, 2022 @ 5:17 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahang wala sa lineup ng Gilas Pilipinas si Filipino wunderkind Kai Sotto sa pagsagupa ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers simula Pebrero 24.

Inamin ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio, may commitment pa rin ang 19-year-old cager sa Australia, kung saan siya ay kasalukuyang nakikibagay bilang import para sa Adelaide 36ers sa NBL.

Si Sotto, gayunpaman, ay inaasahang sasali sa oras na simulan ng mga nationals ang kanilang kampanya sa World Cup, kung saan ang Pilipinas ay co-host kasama ng Japan at Indonesia sa susunod na taon.

“Siguro hindi for the February window kasi may commitments siya sa Australia but definitely, we’d like Kai to be part of the world cup team in 2023,” ani Panlilio.

“Kung mapapasok namin siya, malaking plus ‘yun sa team. Pero happy to see his development, sana mag-develop siya and yes, I’m happy for Kai.”

Ginawa ni Sotto ang kanyang senior national squad debut noong 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers noong nakaraang taon kung saan nag-post siya ng average na 9.3 points, pitong rebounds, at 1.3 assists sa tatlong laro.

Sa kasalukuyan, ang 7-foot-3 prodigy ay may average na 8.6 markers, 4.4 rebounds, at 0.8 blocks para sa 36ers, na nasa ikawalong pwesto sa team standings na may 4-6 slate.

Kahit wala si Sotto, marami pa ring talento ang Gilas Pilipinas kung saan makakasama ang ilang manlalaro mula sa TNT Tropang Giga gayundin sina Ange Kouame, Tzaddy Rangel, William Navarro, Jaydee Tungcab, at Juan Gomez de Liaño.

Inaasahang magiging bahagi rin ng koponan si Dwight Ramos.

Haharapin ng Pilipinas ang South Korea sa Pebrero 24 bago makipagsagupaan sa India sa ika-25 at New Zealand sa ika-27 sa Araneta Coliseum.Rico Navarro