Kai Sotto handa sa giyera; hinangaan sa pagiging makabayan



Kai Sotto handa sa giyera; hinangaan sa pagiging makabayan

June 10, 2021 @ 9:09 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines — Abot-kamay na ni Kai Sotto ang kanyang pangarap na makapaglaro sa Gilas senior men’s level sa pagsabak ng Pilipinas sa FIBA Asia Cup third qualifying window sa Clark sa June 16-20 at sa Olympic Qualifying Tournament sa Belgrade sa June 30-July 4.

Kinukumpleto pa ni Sotto ang kanyang 14-days mandatory IATF quarantine matapos dumating sa US noong May 31.

Sa ginawang COVID-19 testing nitong Miyerkoles, nag-negatibo si Sotto sa coronavirus matapos ang sampung araw ng hotel quarantine at sinabi nitong sabik na siyang magbalik sa paglalaro sa court.

Nakatakda sana mag-ensayo si Sotto, 19, ng tatlong buwan sa Miami hanggang July bago pumunta sa Australia sa Agosto upang simulan ang pre-season training kasama ang Adelaide 36ers sa National Basketball League, pero inaayos umano nito ang kanyang iskedyul matapos kumpirmahin ng SBP ang pagdaraos ng FIBA Asia Cup qualifiers sa bansa.

Habang nasa Miami, nag-training si Sotto sa ilalim ni elite basketball trainer Stanley Remy at strength/conditioning coach Felix Flores upang maging handa sa giyera.

Ngayon, marami ang naniniwala na handa na ito sa giyera kahit saang liga ng basketball ito isabak.

Ayon sa NBA agent ni Sotto na Joel Bell, handang-handa na si Sotto at nasa best shape siya ngayon ng kanyang career at sabik na patunayan ang sarili bilang future ng Philippine basketball.

Malaki na ang inilaki ng katawan ni Sotto na ngayon ay 232 pounds na may 6.9 percent body fat.

Kapag umano naayos ang posture ni Sotto ay malalagay ang height nito sa 7-4 ayon kay Flores.

Isang exclusive na chef umano ang itinalaga kay Sotto upang masiguro na tama ang nutrisyon at saktong 5,000 daily calories na nakukuha nito para magamit sa kanyang mahabang oras na training.

“I’m ready, I’m excited and I can’t wait,” ani Sotto. “It’s a dream come true, almost a no brainer when I have the opportunity to play for the Philippines because I’ve been waiting for this moment and now I have a chance to play. I’m very excited to be with my teammates and coaches, play some games, try to win and learn a lot of things.”

Sinabi ni Bell na ang kahanga-hanga kay Sotto ay ang dedikasyon nito sa kanyang bansa. Rico Navarro


  •  
  •  
  •