KAIGIHAN NG LOCALIZED PEACE ENGAGEMENT

KAIGIHAN NG LOCALIZED PEACE ENGAGEMENT

February 2, 2022 @ 7:49 PM 8 months ago


SA isang programa sa telebisyon kung saan na-interview nang sabay-sabay ang mga kandidato sa pagka-pangulo, sabay-sabay din at pare-pareho ang kanilang sagot sa tanong kung pabor ba silang buksan muli ang usapang pang-kapayapaan o ‘peace talk’ sa mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.

Ang mga kandidato ay mabibilis sa kanilang pagtugon ng “oo”, at payag silang bumalik at magsimula ng usapang pang-kapayapaan.

Tila huli sa balita ang ating mga kandidato, sa pagka-Pangulo pa naman ang kanilang tinatakbo. Dangan kasi, kung ibabatay nila ang kanilang mga sagot sa ‘current events’ ay malaman nilang matagal nang pinutol ng administrasyong Duterte ang pakikipag-usap sa mga komunistng-teroristang CPP-NPA-NDF,  sa dalawang kadahilanan.

Una, walang kwentang kausap ang CPP-NPA-NDF, habang nakikipag-usap hinggil sa pambansang kapayapaan, patuloy pa rin ang mga ito sa pagpatay at paninikil sa ating mga kababayan at maging sa mga sundalo. Pangalawa, nakaisip ng magandang paraan si Pangulong Rodrigo Duterte, ang gamitin ang ‘whole-of-nation approach. Sama-samang pagtutulungan para magapi ang panloloko ng CPP-NPA-NDF.

Ang pagsasama-samang ito ng mga ahensya ng pamahalaan at ng mismo nating kababayan kasama na ang mga lingkod bayan (mula mamamayan, barangay captain hanggang sa mayors at gobernador) sa mga kanayunan, ang nagbunsod ng tinatawag na localized peace engagement.

Ano itong LPE? Ito lang naman ang nakapagpasuko sa mapayapang paraan sa karamihan ng mga komunistang-terorista sa loob at halos matatapos na termino ni Pangulong Duterte.

Nagawa nitong manumbalik ang katahimikan sa mga lugar na dati’y pinepeste ng CPP-NPA-NDF. Dahil maging ang taumbayan ay nakisama na sa pamahalaan na isuka ang maling paniniwala na itinuturo ng mga komunistang-terorista.

Nagresulta rin ito sa pagdaloy ng mga pondo para paunlarin ang mga bayan, sitio o komunidad na dating hawak sa pananakot ng CPP-NPA-NDF. Bumaba sa mga lugar na ito ang mga Barangay Development Program.

Nakamtan ang kapayapaan at kaunlaran dahil sa LPE, nang hindi dinaraan sa peace talks na nilalabag naman lagi ng mga komunistang-terorista. So, bakit pa muling isusulong ang maling paraan ng peace talk ng mga kumakandidato sa pagka-Pangulo? Huli na ba talaga sila sa mga balita?