KAILAN PA NAGING PAGKAIN ANG TABAKO?  PART 1

KAILAN PA NAGING PAGKAIN ANG TABAKO?  PART 1

February 15, 2023 @ 12:44 PM 1 month ago


DI na kailangan pa, at di rin naman mahalaga na amyendahan ang Republic Act 10845 o ang Anti-Smuggling of Agricultural Products Law para lamang maisama ang tabako, hilaw man o sigarilyo na ito, gaya nang sinasaad ng panukalang Senate Bill 1812.

Ang purpose ng RA 10845 ay talaga namang tiyak at malinaw na isinasaad sa batas na ito. Ang Section 2 nito halimbawa ay nagsasaad na “patakaran ng bansa ang isulong na maging produktibo ang sektor ng agrikultura at proteksiyonan ang mga magsasaka sa mga ganid na mangangalakal at mga importer, na sa kanilang kagagawan, gaya na lamang sa bigas, halimbawa, ay naapektuhan ang produksiyon,

pagkakaroon ng suplay at katatagan ng mga presyo, at ang seguridad ng pagkain ng Estado.”

Ang pangunahin at mahalagang produkto ng agrikulturang binabanggit sa RA 10845 ay  asukal, mais, karneng baboy at manok, bawang, sibuyas, carrots, isda sugar, corn, pork, poultry, garlic, onion, carrots, fish, at iba pang hilaw na mga gulay, na dumadaan sa simpleng proseso ng paghahanda para lumapag sa merkado.”

Una, ang tabako o tobacco, hilaw man o nai-process na ay di na kailangan pang isama sa listahang binabanggit sa RA 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016”.

Maling polisiya kung ang tabako o sigarilyo ay isasama bilang mahalagang produkto ng agrikultura na makaaapekto sa seguridad ng pagkain sa bansa. ‘Di naman natin kinakain ang tabako. Hindi ito kailanman matatawag na pagkain. Hindi rin ito mahalaga na isama sa ating mga hapag kainan.

Ang tabako o sigarilyo nga ay kinokontrol ng pamahalaan dahil sa napatunayang siyentipikong mapaminsalang epekto nito.

Ang mga nakalistang pagkain sa RA 10845 ay kinakailangan ng ating kalusugan at sa kaligtasan ng bawat Filipino. Ang paggamit ng tabako o sigarilyo ay isang bisyo lamang at nilapatan na nga natin ng “sin tax” kasama ng alak.

May mga batas na rin at mga panuntunan para mabawasan ang tabako at maging paninigarilyo ng lahat lalo na ang mga kabataan. (May karugtong)