KAILAN TAYO MATUTUTO?

KAILAN TAYO MATUTUTO?

November 14, 2022 @ 11:12 AM 3 weeks ago


KAMAKAILAN, binayo tayo ng ‘severe’ Tropical Storm “Paeng”, kung saan napinsala ang halos lahat ng parte ng bansa dahil sa hagupit at dala nitong malalakas na hangin at pag-ulan.

Kasunod agad nito ay ang sangkaterbang sisihan. Magmula sa mga tagapagtaya ng panahon o ang weather bureau na Philippine Atmospheric,Geophysical and Astronomical Services Administration.

Kasama sa nasisisi ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council. At di rin nakaligtas ang mga namumuno sa mga local government units.

Ang sa akin, iisa lang ang dapat na sisihin, ang pagpapakalat ng impormasyon. Iba ang pagpapakalat ng impormasyon sa pagbabalita ng nangyayari o maaari pang mangyari.

Matagal na nating ginagawa ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa panahon ng mga delubyo o sakuna. Mapabagyo o mapalindol man, ay halos lahat tayo ay alam na ang mga dapat pinaggagawa.

Ngunit ang mas matagal nang naipakalat na impormasyon ay ang sanhi ng mga pagbaha. Ano-ano ito?

Una, ang pagputol ng mga punongkahoy. Dekada sitenta hanggang sa ngayon ay ipinakakalat na natin ang impormasyong ito. Nanatili itong impormasyon at walang humadlang sa pamumutol ng mga punongkahoy magmula rin noon. Ang iba ay nagsiyaman pa nga sa pamumutol ng mga punongkahoy sa kanilang mga kagubatan at mga kabundukan, at naging mambabatas pa.

Kailan tayo matututo? Kailan natin ihihinto ang pamumutol ng puno? Para makaiwas tayo sa mga pagbaha at pagguho ng mga lupa.

Ang mga puno ang humihigop ng tubig-baha. Kung wala ang mga puno, patuloy tayong makakaranas ng pagguho ng mga kabundukan. Kung magtatanim naman tayo, gaya ng iba nating kababayan na ginagawa na ito, ang pinakamabilis na pagtubo ng isang punongkahoy ay umaabot ng walong (8) taon, ang iba nga ay 25 taon pa.

Napakatagal nang ipagtitiis natin.

Ang kailangan natin ay pamahalaan na magpapapatupad ng mahigpitang parusa sa mga lalabag sa mga di lamang ipinakakalat nitong impormasyon, kundi pati sa mga batas na nag-aatas na bawal mamutol ng punongkahoy.

Kapag tama ang pagpapakalat ng impormasyon, pihadong gagawin ng lahat ang nararapat sa anomang delubyong haharapin.
oOo   oOo   oOo
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!