KAILANGAN MO BA NG 4TH DOSE? 

KAILANGAN MO BA NG 4TH DOSE? 

January 13, 2022 @ 10:14 AM 7 months ago


ISRAEL ang nangunguna sa mundo sa pagtuturok ng pang-apat na dose ng bakuna laban sa COVID-19. Gayunman, walang kinukumpirma ang mga pangunahing gumawa ng bakuna, ang Pfizer at Moderna, na ang ikaapat na beses na pagbabakuna ay makapagbibigay-proteksyon sa sangkatauhan laban sa malawakang hawahan na dulot ng Omicron.

Ang malinaw, nawawalan ng bisa ang bakuna paglipas ng panahon. At dahil wala pa ring pinagkasunduang datos hanggang ngayon, inaasahan nang kikilos ang mga bansa upang paigtingin ang immunity ng kani-kanilang populasyon laban sa panibagong maramihang hawahan ng COVID-19.

Habang ginagamit ang Pfizer para sa ikaapat na dose sa Israel at Chile, ang Moderna ay naghahanda na rin ng vials para sa ikaapat na booster sa Amerika. Mas napaghandan naman ng Pfizer producers ang hinaharap ngayong kinukumpleto na raw ng kanilang mga laboratoryo ang updated na bakuna na magiging mas epektibo laban sa Omicron at sa iba pang bagong variants.

Sa Pilipinas, wala pa tayo sa puntong mayroon tayong opsiyon para magpaturok ng ikaapat na dose upang matulungang pigilan ang pagkalat ng COVID-19 dahil sa nakakahawang Omicron variant. Dahil sa pag-aalangan sa turok, nahihirapan ang mga Pilipino sa lahat ng antas ng pagbabakuna, simula sa first dose.

Naniniwala naman si Dr. Anthony Leachon, dating consultant ng Inter-Agency Task Force (IATF), na kailangan ngayon ng bansa ang ilang linggong istriktong lockdown upang masawata ang malawakang hawahan. Bagamat nasimulan na sa ibang bansa, ang pagbabakuna ng ikaapat na dose ay hindi pa magagawa rito dahil hindi makumbinse ng gobyerno na magpaturok ang mga natitira sa populasyong target nilang bakunahan — na nakalulungkot namang ang malaking bahagi ay binubuo ng delikadong sektor ng matatanda.

Ang apela ni Leachon na magpatupad na ng lockdown para makontrol ang hawahan ay nagpapatunay lang sa kabiguan ng gobyerno na mapaghandaan ang maramihang hawahan na dulot ng Omicron. Ang balanseng pagpapasya ay pumabor sa ekonomiya sa masisiglang buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre pero nasakripisyo naman ang kalusugan ng populasyon. “Prinotektahan nga nila ang mga kabuhayan. Pero aanhin ang kita kung wala nang buhay na kailangang protektahan?” katwiran niya.

*         *         *

Ilang kaibigan na nagpadala sa akin ng pribadong mensahe ang umaasang may impormasyon ako tungkol sa kuwento ng pangha-hack sa mga server ng Comelec dahil lang sa kaugnayan ko sa Manila Bulletin. Ang totoo, ang nalalaman ko ay pareho lang ng nalaman ng mga nagbasa ng eksklusibong MB Technews report nitong Martes.

Kaya ang tanging maibibigay ko tungkol sa isyung ito ay ang aking paniniwala, na sisimulan ko sa integridad ng grupo ng Technews editor na si Art Samaniego Jr., na nag-ulat ng insidente. Ito rin ang grupong nagbunyag sa pagkakakompromiso ng sistema ng Comelec noong Oktubre 2015 – limang buwan bago sumambulat ang kontrobersiyal na “COMELEAKS” noong 2016.

Inaasahan nang itatanggi ni Comelec Director James Jimenez na na-hack ang mga servers ng Comelec, habang masusi ang pag-iimbestiga ng mga IT experts. Pero hindi ito ang antas ng imbestigasyon kung saan maaari nang pinal na sabihin ng Comelec na hindi talaga nagkaroon ng data breach.

Sabagay, kapag na-hack ang isang server, nag-iiwan ito ng electronic trail o indicator signals, tulad ng mga alerto mula sa security provider, tungkol sa mga kahina-hinalang data logs. Marahil isang white hack (mabuting hacker) ang nagtimbre sa grupo ni Art ng tungkol sa data breach kasabay ng pagpiprisinta ng sapat na ebidensiya kaugnay ng nabanggit na mga alerto.

Sa ngayon, abang-abang muna tayo.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.