KAILANGAN NG HEALTH AND SAFETY SA CONCERT EVENTS

KAILANGAN NG HEALTH AND SAFETY SA CONCERT EVENTS

August 4, 2022 @ 6:25 PM 2 weeks ago


NAKALULUNGKOT ang nangyari kamakailan sa isang concert event sa Hongkong kasi nga, sa a gitna ng event ay nabagsakan ng isang giant video screen ang dalawang dancers ng sikat na Mirror boy band kung saan isa dito ang naging kritikal.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nasira ang isang suspension cable ng video screen dahilan para suriin ang tensile strength ng wire upang malaman kung naputol, lumuwag o nagkaroon ng metal fatigue.

Sa health and safety, tinatawag natin itong static dropped objects o fixed objects na maaaring mahulog from any height kahit walang external force applied. Sa madaling salita, may potensiyal na mahulog ang anomang nakabitin o nakasabit na bagay.

Maiiwasan sana ang ganitong uri ng aksidente kung na-implement ang risk assessment at natukoy ang mga posibleng hazard at panganib tulad ng static dropped objects. Iyan siguro ang maaaring tingnan din ng mga otoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon.

Ngayong nagbabalik na sa normal ang lahat kung saan magkakaroon na ulit ng malalaking events at maaaring bongga ang mga design ng entablado, ‘aware’ kaya ang mga organizer sa pagpapatupad ng health and safety standards.

Napapaisip tuloy ako kung tumutupad ba talaga sa batas (tulad ng pagtatalaga ng competent safety officers) ang mga event organizer sa Pilipinas. Naiisip kaya nila na kailangan nilang gumawa at magsumite ng occupational safety and health program at hazard identification, risk assessment and control documents sa regional office ng Department of Labor and Employment?

Kung kulang pa rin sa pangil ang umiiral na batas at puno pa rin ng katigasan ng ulo ang ilang kompanya at organizers, hindi malayong mangyari sa atin ang malagim na aksidenteng nangyari na sa Hongkong.

Esep-esep muna, huwag itaya ang buhay.