Ibinigay na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang balangkas ng bagong Konstitusyon.
Ipapasa naman niya ito sa Kongreso, sa pagbigay niya ng State of the Nation Address o SONA sa darating na July 23, 2018.
Mukhang marami, malaki at malalim ang mga pagbabagong aasahan natin.
Change is coming na nga talaga.
Umaarangkada na ang Cha-Cha or Charter Change. Ano nga ba ang mga kakaiba rito?
Sa title pa lang, alam n’yo na – “Pederal na Saligang Batas ng Pilipinas.”
Ibig sabihin, mag-iiba na ang porma ng gobyerno natin. Malamang, mababago na ang paraan ng pamamahala sa Pilipinas.
Pati ang paggawa ng mga batas, at ang pagpapatupad ng mga ito.
Isa ito sa mga pangakong nagdala sa pagkapanalo kay Digong.
Napakalakas ng sigaw ng pederalismo mula sa Mindanao.
Kailangan na raw tapusin ang nakasentro sa Maynila na pagpapatakbo ng bansa.
Masyado na raw lugi ang Mindanao (ang Bisayas at ang mga islang-probinsya).
Kung inyong matatandaan, hindi si Digong ang unang nanawagan sa pagpapalit ng Konstitusyon.
Inilabas at naipanalo ni Tita Cory ang 1987 “Freedom” Constitution.
Mula kay Ramos hanggang kay Noynoy, lahat ng nagdaang Presidente natin ay nagmungkahi at nagtangkang baguhin ang Saligang-Batas ng Pilipinas.
Lahat sila, nag-pasimuno ng Cha-Cha (atras abanteng sayaw). Pero hindi tumagal ang sayaw, napagod sila.
Ang maganda rito kay Digong, nilagyan niya ng elemento ng pederalismo ang kanyang Cha-Cha.
Para maiba naman, nilagyan o hinaluan niya ang sayaw ng ibang steps o galaw.
Kaya mukhang ito ang magdadala ng saliw ng sayaw na sasabayan ng mga tao.
Para sa mga taga-suporta ng Cha-Cha, kailangan na nga ang pederalismo.
Ayon sa panukala, mas maraming pondo ang mapupunta sa “federated regions.”
Mas may kapangyarihan na rin ang mga lokal na magpasa ng batas, at mas marami nang korte ang pwedeng duminig ng mga kaso.
Ika nga, mas malapit na sa mga tao at komunidad ang mga desisyon na pangkaunlaran.
Kasama na rin ang pagsupil sa mga political dynasty. Come to think of it, parang maganda nga.
Hamon naman ng mga kritiko, hindi napapanahon ang Cha-Cha, at baka nga mas lumala pa ang mga problema natin.
Dahil daw hindi pantay-pantay ang kakayahan ng mga mahihirap na “regions” (CARAGA, Bicol, Eastern Visayas) na sumabay sa Manila, Cebu at Davao.
Tinukoy rin nila na maraming Filipino ang hindi nauunawan nang husto ang Saligang Batas at higit sa kalahati ng populasyon ang mukhang hindi sang-ayon ChaCha.
Isa lang ang sigurado ako.
Kailangang pag-aralan at suriing mabuti ang panukalang ito.
Kinabukasan ng bawat Filipino at ng buong bansa natin ang nakataya rito.
-ALIN ANG NAIIBA NI FERRER